TAYUG,Pangasinan — “ Mga minamahal kong kababayan, sa ating pagsusumikap at sama-samang pagkilos para sa ikabubuti ng bayan ng Tayug, muli tayong pinarangalan! Ikinagagalak kong ibahagi sa inyo ang apat na prestihiyosong parangal na iginawad sa ating bayan sa Cities and Municipalities Competitive Index (CMCI) 2024 Regional Awarding Ceremony ng Department of Trade and Industry,” pahayag ni Atty. Tyrone D. Agabas, Municipal Mayor
Top 1 sa Overall Competitiveness sa Region 1 at Top 5 sa buong Pilipinas
Ipinapakita nito na ang Tayug ay isang bayan na may balanseng kakayahan at progreso sa larangan ng ekonomiya, serbisyong pampubliko, at imprastruktura. Ang ating pangarap na maging mas maunlad na komunidad ay unti-unting natutupad, at ito ay pagkilalang mahalaga sa ating mga hakbang tungo sa tagumpay.
Top 1 sa Economic Dynamism sa Region 1 at Top 6 sa buong bansa
Ang parangal na ito ay patunay ng ating masiglang ekonomiya, kung saan ang bawat negosyo, malaki man o maliit, ay lumalago. Ito ay dahil sa suporta ng lokal na pamahalaan at ng bawat isa sa atin, mula sa ating mga mamamayan hanggang sa mga nag-iinvest sa ating bayan.
Top 1 sa Government Efficiency sa Region 1 at Top 5 sa buong bansa
Tunay na mahalaga ang pagiging epektibo at mabilis ng serbisyo ng ating lokal na pamahalaan. Ang parangal na ito ay sumasalamin sa ating dedikasyon na tugunan ang bawat pangangailangan ng Tayugenians at patuloy na pagsusumikap na maging tapat at mahusay sa pamamahala.
Top 3 sa Infrastructure sa Region 1 at Top 25 sa buong bansa
Sa ating pagtutok sa imprastruktura, ang Tayug ay nagiging mas makabago at angkop para sa pangangailangan ng bawat mamamayan. Ang mga proyektong ito ay sumusuporta sa ating layuning magkaroon ng ligtas at progresibong bayan.
Ayon kay Agabas, pinasasalamatan niya ang kanyang katuwang sa pagpapa-unlad ng bayan na si Vice Mayor Lorna Primicias, kasama ang mga konsehal, department heads, empleyado ng munisipyo, at iba pang ahensya ng gobyerno.
Ang bawat parangal na ito ay para sa lahat ng Tayugenians na walang sawang tumutulong, nag-aambag, at sumusuporta sa ating mga programa at adhikain.
Sa ating pagkakaisa at pagtitiwala sa bawat isa, patuloy nating mapapaunlad ang ating bayan.


