SAN PABLO CITY, Laguna – Tatlong bagong kaso ng COVID-19 ang naitala sa Lungsod ng San Pablo, habang isang pasyente naman ang gumaling sa sakit, mula Agosto 9 hanggang 15, 2025.
Sa kasalukuyan, nananatiling tatlo ang aktibong kaso na mahigpit na mino-monitor ng City Health Office.
Ayon sa ulat, ang mga bagong kaso ay mula sa Barangay San Marcos, San Mateo at San Gregorio.
Ang mga pasyente ay kasalukuyang sumasailalim sa monitoring at kaukulang isolation protocols. Samantala, ang pasyenteng nakarekober ay mula sa Barangay II-C (Poblacion).
Batay sa pinakahuling tala, umabot na sa 13,145 ang kabuuang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa San Pablo City.
Sa bilang na ito, 12,693 ang gumaling at 449 ang nasawi.
Patuloy namang pinaaalalahanan ng City Health Office ang publiko na iwasan ang tinatawag na “3Cs”—crowded places, close-contact settings, at confined/enclosed spaces—upang makaiwas sa banta ng virus.
“Bagama’t bumababa ang bilang ng kaso, hindi pa rin tapos ang laban natin sa COVID-19. Maging maingat at sumunod sa mga umiiral na health protocols,” paalala ng CHO. (San Pablo City Updates)


