BACNOTAN, La Union — Sinigurado ng Provincial Government of La Union (PGLU) ang nalalapit na konstruksyon ng Provincial Storage Facility with Solar Dryer sa Bacnotan, La Union.
Ayon kay Gov.Mario Ortega ang proyekto ay itinuturing na pangmatagalan at modernong solusyon sa La Union para sa post-harvest losses ng mga magsasaka.
Pinatunayan din ni Governor Ortega na buo ang kanyang suporta sa proyektong ito na magpapaunlad pa ang kabuhayan ng bawat Elyucano sa sektor ng agrikultura.
Ang Storage Facility with Solar Dryer ang nakikitang solusyon ng probinsya para matugunan ang epekto ng post-harvest losses sa mga magsasaka dahil sa kakulangan ng tamang imbakan.
Ang kanilang mga ani ay tinatabi lang sa bahay gamit ang trapal o sako na siyang dahilan ng mabilis na pagkasira ng aning produkto.
Ang maitatayong warehouse na may 350 square meter floor area at 572.37 square meter multi-purpose drying pavement ang nakikitang solusyon na makatutulong para maiwasan ang pagkalugi at mabawasan ang pagbilad ng mga ani sa kalsada na nakaaapekto sa kalidad ng produkto.
Tinatayang nasa 22 Farmers Associations, Cooperatives, at Irrigators Associations mula Balaoan, Bacnotan, at Luna ang makikinabang dito pero tiniyak naman ng pamahalaan na bukas ang proyektong ito sa publiko kapag operational na.
Sinabi ni Ortega na magiging maayos at mabusisi ang implementasyon ng nasabing proyekto sa pamamagitan ng isang Pre-Construction Conference na ginanap noong June 9-11, 2026 sa Bacnotan Public Market Function Hall.
Layunin ng tatlong araw na conference na talakayin ang estratehiya at kabuuang plano ng Storage Facility na itatayo sa Brgy. Bungol, Balaoan, La Union.
Dito binigyang-linaw ang mga kondisyon ng kontrata, documentary requirements, timeline, at schedule para maiwasan ang posibleng aberya sa konstruksyon.
Buong suporta rin ang ipinadama ni Bacnotan Mayor Divina C. Fontanilla sa kanyang mensahe para sa mga komunidad na makikinabang sa pasilidad.
Nagbigay ng overview ang mga personnel ng Department of Agriculture (DA) tungkol sa Philippine Rural Development Project – Scale Up (PRDP-SU) kung saan nakapaloob ang proyektong ito na pinondohan ng The World Bank.
Tinalakay din ang tungkulin ng Contractor, Program of Work, Site Management, Social and Environmental Safeguards, funds flow, billing schedule, at paggamit ng Geo-Tagging Technology at Geomapping para sa monitoring.
Iprinesenta ng contractor ang kanilang construction team, schedule, manpower at equipment plan, construction methodology, at safety plan.
Kaakibat din sa proyektong ito ang supervision team na mula sa Provincial Engineering Office, Office of the Provincial Agriculturist, at Office of the Provincial Planning and Development Coordinator.
Bahagi ng conference ang isinagawang site visit upang makita at suriin ang kondisyon ng lokasyon ng ipapatayong istruktura na pag-aari ng PGLU.
Personal na sinukat ang lawak ng lugar para tiyakan ang saktong sukat ng warehouse. Pinag-aralan ding mabuti ang site plan para matukoy ang mga dapat i-consider bago, habang, at pagkatapos ng konstruksyon.
Binigyang-diin din ng supervising team at DA personnel ang safety protocols sa lugar, maging ang mga environmental safeguards na dapat sundin habang ginagawa ang storage facility lalo’t mahigpit ang ipinapatupad na guidelines sa mga proyektong nasa ilalim ng PRDP-SU.
Isang makabagong hakbang muli ang pinatunayan ng PGLU para bigyang halaga ang kontribusyon ng mga magsasaka sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng probinsya.