Street Journal Multimedia Services

Smartphones ipagbabawal sa oras ng klase

LAGUNA, Philippines — Kasunod ng nalalapit na pagpapatupad ng South Korea ng smartphone ban sa mga silid-aralan, patuloy na isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang katulad na panukala para sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa bansa.

Muling inihain ng senador ang Electronic Gadget-Free Schools Act sa pagbubukas ng ika-20 Kongreso, na una niyang inihain noong ika-19 Kongreso. Layunin ng panukalang batas na bigyang mandato ang Department of Education (DepEd) na bumalangkas ng mga alituntunin upang ipagbawal ang paggamit ng mga mobile device at electronic gadgets sa oras ng klase, mula Kindergarten hanggang Senior High School, para sa mga guro at mag-aaral.

Gayunpaman, may mga nakasaad na eksepsyon sa panukala, kabilang na ang paggamit ng gadgets para sa pag-aaral (classroom presentations), pangkalusugan (medical conditions), at pamamahala ng mga panganib (off-campus activities at emergencies).

“Isinusulong nating ipagbawal ang mga smartphones sa oras ng klase upang hindi maabala ang ating mga mag-aaral. Nais nating paigtingin ang pagtutok ng ating mga mag-aaral sa kanilang aralin,” pahayag ni Gatchalian, Vice Chairman ng Senate Committee on Basic Education. (San Pablo City Update)

 

Scroll to Top