Street Journal Multimedia Services

Simpleng libangan ng inang copper artist na kalauna’y naging hanapbuhay

BAGUIO CITY, Philippines (PIA) —  Ang paggawa ng copper accessories ay pampalipas-oras lamang ng copper artist na si Fely Ilao ng Baguio City hanggang sa nahubog ito at naging pinagmumulan ng kabuhayan.

Si Fely ay mahigit 15 taon nang gumagawa ng copper accessories. Mula sa pagtitinda sa kalye ng Session Road, ngayon ay mayroon na silang dalawang puwesto na matatagpuan sa EcoVibe Street Market sa Camp John Hay at Pansigshan Village sa Dominical Hill.

“Actually, nag-umpisa ito noong 2011. Pero wala pa kami dito noon. Parang ito noon ay ano ko lang, hobby. Hobby-hobby ko lang siya. Gumagawa ako ng earrings. Tapos binebenta ng asawa ko sa kalye, Tapos hinuhuli siya lagi. Maraming bumibili, dinudumog especially yung mga students. Dinudumog siya hanggang sa 2011. Hanggang ngayon. buhay pa rin ‘yung business na ‘yan,” aniya.

Sa sipag at tiyaga, hanggang ngayon ay tinatangkilik pa rin ang kanilang negosyo na nakatutulong sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.

Dagdag pa niya, ito ang nagpaaral sa kaniyang limang anak. Ngayon nga ay ilan sa kaniyang mga anak ang gumagawa na rin ng copper arts.

“In the long run, parang tinuruan ko na din sila, ‘yung mga anak ko … matanda na ako, senior na ako. Ipapasa ko na din sa kanila ang paggawa nito para kahit na hindi na sila magtrabaho meron na ito.”

 

Ang panganay niyang si Renz ay natutong gumawa ng accessories gaya ng singsing. Magaling din siya sa pagguhit na naibebenta rin sa kanilang puwesto sa Eco Vibe.

“Medyo matagal ako nag-work sa office. From 2010 hanggang 2019.

 

Pero during that time, meron na kasi ‘yung… itong family business namin. Remember, nung nagkaroon ng pandemic nung 2020, nawalan ako ng work. And, naisip ko na nandito naman itong family business. So, after nung pandemic, sumama na rin ako sa family business namin. Five years na rin akong part nung business,” pahayag ni Renz.

 

Ang hobby ni Fely ay tumanggap din ng pagkilala—nanalo siya bilang 2nd runner-up sa paggawa ng korona sa Ibagiw Creative Festival 2021, isang craft competition na inilunsad ng Department of Trade and Industry-Cordillera Administrative Region.

Aniya, malaki ang naitulong sa kanila ng pamahalaan lalo na ang DTI. Nabigyan din ng puwesto sa Dominican Hill ang mga katulad niyang artisan.

Sa mahigit labing-limang taon ni Fely sa paggawa ng copper accessories, isa siyang magandang ehemplo sa mga kababaihan, isang ina na may magandang hangarin hindi lang para sa sarili kundi pati na rin sa kanyang pamilya.

“Masasabi ko lang sa mga kababaihan, don’t give up. Kasi, tayo talaga ‘yung magiging… tayo ‘yung ginagawang… ang story ng mga anak natin. Ginagawa tayo nilang role model. Since you are the mother, you are the role model. Matikita nila ‘yung sipag mo, tiyaga mo, patience, lahat na. Nakikita ng mga anak sa mother. Nagre-reflect din sa kanila habang sila ay lumalaki. Nagre-reflect din ‘yung pagiging mother mo sa kanila,” pahayag pa Fely. (JDP/DEG PIA-CAR with SLU intern Nathalia Macadangdang)

 

 

 

 

Scroll to Top