Street Journal Multimedia Services

Septuagenarian, namatay sa landslide sa Benguet

TUBA, Benguet – Namatay habang ginagamot sa ospital ang isang 74-anyos na kabilang sa mga biktima ng landslide sa kasagsagan ng Super Typhoon Nando sa may

Sitio Begis, Poblacion, Marcos Highway, Tuba, Benguet.

Apat na sasakyan, isang Ford Ranger, Toyota Innova, Toyota Grandia, at isang tanker truck, na pawang patungong siyudad ng Baguio ang nabagsakan ng mga bato at lupa mula sa bundok, dakong alas 2:00 ng hapon ng Setyembre 22.

Ayon sa ulat ng Tuba Municipal Police Station, ang namatay na mula sa Tarlac ay naipit sa kanyang sasakyan at dahan-dahan itong inilabas ng mga rescuers at agad na isinugod sa ospital.

Ang iba pang pasahero ng mga sasakyan na karamihan ay mula sa Pasig City ang nagtamo ng mga sugat at pasa sa katawan, kabilang dito ang apat na babae at isang lalaki na dinala sa Baguio General Hospital and Medical Center at kasalukuyang sumasailalim sa pagsusuri.

Nakaligtas naman ang driver ng kulay itim na van, habang ang kanyang asawa na nagtamo ng sugat sa katawan ay kasalukuyang ginagamot ngayon sa Saint Louis University Hospital, habang ang 40-anyos na drayber ng fuel tanker ay ginagamot sa mga pinsala nito sa balikat.

Samantala, ang mga Baguio bound major roads, na gaya ng Marcos Highway, Asin-Nangalisan-San Pascual-La Union Road; Benguet-Nueva Vizcaya Road at Baguio-Bauang Road (Naguilian Road) ay passable na sa mga motorista.

Ang Kennon Road ay nanatiling sarado dahil sa mataas na posibilidad ng pagbagsak ng lupa/bato at mga slide, dulot ng patuloy na pag-uulan.

 

Scroll to Top