SAN PABLO CITY, Laguna, Philippines – Ipinahayag ni Mayor Arcadio “Najie” Gapangada Jr., na sinangayunan na ng Sangguniang Panlungsod ang kanyang panukala na magtayo ng agri-industrial economic zone sa lungsod.
Ayon sa ulat ng City Information Office, ang resolusyon ay inisponsoran ni City Councilor Chad Pavico.
Ayon sa alkalde, ang plano para sa ecozone, na kanyang ipinangako noong eleksyon, ay isusumite sa Director General ng PEZA at kalaunan kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang ideklara ang site bilang isang special economic zone.
Matatandaang noong bumisita ang Pangulo sa San Pablo noong Setyembre 15, sinabi nito kay Mayor Najie na agad isumite ang mungkahing ecozone sa Malacañang.
Unang nagpakita ng interes sa nasabing proyekto si businessman Manuel V. Pangilinan, na bumili ng Franklin Baker Company, at nangangailangan umano ng 20 ektarya para sa kanilang operasyon.
Inaasahang makalilikha ng maraming trabaho para sa mga San Pableño ang itatayong ecozone.
Pinasalamatan ni Mayor Najie si OIC City Administrator Rick Jason Tatlonghari na naghanda ng concept paper para sa proyekto.
Si Tatlonghari ay may malawak na karanasan sa paggawa ng concept papers at feasibility studies para sa mga programang pangkaunlaran, kabilang na ang dating at kasalukuyang binubuong Comprehensive Land Use Plan (CLUP) ng San Pablo. SPC Update)


