Street Journal Multimedia Services

Sampaloc Lake, pagpapahingahin ng 45-araw

SAN PABLO CITY, Laguna — Pansamantalang ipapahinga ang Sampaloc Lake area sa San Pablo City bilang bahagi ng pagsisikap na makabawi at mapangalagaan ang lawa at ang kapaligiran nito, simula Oktubre 1 hanggang Nobyembre 15, 2025.

Ito ay ayon sa anunsyo mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Pamahalaang Lungsod ng San Pablo.

Layunin ng panahong ito na tiyakin ang kaligtasan ng publiko, panatilihin ang kaayusan at kalinisan, at maihanda ang Sampaloc Lake bilang isang pangunahing yaman at atraksyon para sa mga mamamayan at turista.

Habang nasa temporary rest period, magkakaroon ng mga sumusunod na gawain:

  • Pagkukumpuni ng kalsada ng DPWH sa paligid ng lawa
  • Pagsusuri ng City Engineering Office para maiwasan ang posibleng pagguho ng lupa
  • Pagpupungos ng mga puno mula sa City Environment and Natural Resources Office upang maiwasan ang pagbagsak ng mga sanga o kahoy
  • Pagsusuri ng Bureau of Fire Protection sa mga bahay at gusali para maiwasan ang sunog
  • Pagsasaayos ng mga pasyalan sa pangunguna ng City Tourism Office
  • Pagpapatupad ng City Traffic Management Office ng mga batas kontra sagabal sa kalsada at pagpaplano ng daloy ng trapiko
  • Pakikipagtulungan ng City Solid Waste Management Office at mga barangay para sa mas maayos na koleksyon ng basura
  • Pagpapatupad ng Linis Lawa Program ng Friends of Seven Lakes Foundation kasama ang mga organisasyong pangkomunidad, mga boluntaryo, FARMC, at mga barangay sa paligid ng lawa,

Ayon sa DPWH at lungsod, papayagang makapasok ang mga residente, rehistradong bisita, mangingisda, negosyante, at mga kostumer ng mga establisimyento na may permit.

Pinahihintulutan din ang jogging at paglalakad sa mga ligtas na lugar, subalit mahigpit na ipinagbabawal ang malalaking pagtitipon tulad ng fun run at konsiyerto. Magtatalaga ng bantay mula sa PNP at mga barangay tanod upang masiguro ang pagsunod sa mga patakaran.

Hinihiling ng DPWH at Pamahalaang Lungsod ang kooperasyon ng lahat para maging matagumpay ang proyekto, na naglalayong mapanatili ang kagandahan at kalinisan ng Sampaloc Lake para sa susunod pang mga henerasyon. (CI San Pablo)

 

 

 

 

 

 

Scroll to Top