TUGUEGARAO CITY, Cagayan – Isinusulong ngayon ni Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay ang “Bagong Pilipinas, Bagong Cagayan” kung saan lalamanin nito ang mga platapormang nakapaloob sa kanyang “One Cagayan”:
E- Employment, Environment, & Energy: Empowering Cagayan’s Growth Engines
G- Good Governance: Leadership with Integrity
A – Agricultural Support: Strengthening the Province’s Backbone
Y- Youth Development & Elderly Care: Investing Across Generations.
Sa loob lamang ng tatlong araw mula nang isagawa ang kanyang oath-taking ay umabot na sa 14 bayan sa Cagayan ang kanyang nabisita.
Pambihirang pagkakataon kung ituring ng karamihan ang pakikipag-daupang palad ni Gob. Aglipay sa mga lider sa bawa’t bayan sa Cagayan upang sila’y pagkaisahin para sa progresong hangad sa probinsiya.
Personal siyang nakipagpulong sa mga alkalde, bise-alkalde, miyembro ng sangguniang bayan, kapitan, kabataan, school heads, at mga empleyado ng munisipiyo,
Kabilang sa kanyang mga nabisita na ang mga bayan ng Amulung, Peñablanca, Iguig, Tuguegarao, Solana, Enrile, Lasam, Abulug, Ballesteros, Gonzaga, Sta. Teresita, Allacapan, Buguey, at Camalaniugan.
Sa kanyang pakikipagdayalogo, iisa lamang ang kanyang pakiusap sa mga lider, ito ay ang pagkakaisa at ang pagsantabi sa mga nabuong hidwaan at alitan.
“Tama na please. Tama na. Ayaw kong maging governor, 77 na ako, nandito lang ako para ayusin na ang lahat,” pakiusap ni Gob. Aglipay.
Matatandaang maging sina 1st District Congressman Ramon Nolasco Sr. at 2nd District Congresswoman Baby Aline Vargas – Alfonso ay dumalo rin sa oath-taking at inagurasyon ng gobernador.
“Tanging si 3rd District Joseph “Jojo” Lara lamang ang hindi nakadalo dahil ito ay kasalukuyang nasa ibang bansa. Magkasama na rin kami ni Aline at Ramon. Si Jojo sana magkita rin kami at mag-usap para maayos na ang lahat at magsama na rin kami,” ani Gob. Aglipay.
Naniniwala ang gobernador na kung nagkakaisa ang lahat ng mga lider sa Cagayan ay maipatutupad sa madaling panahon ang kanyang binuong plataporma at programang nakabase sa “Bagong Pilipinas” ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Ang kanyang mga adhikaing ito ay nakatuon sa pag-angat ng ekonomiya ng lalawigan na magpapaunlad sa kabuhayan ng bawa’t isang Cagayano.
Ayon kay Gob. Aglipay, ipupusta niya ang kanyang buhay para magkaisa ang lahat at titiyaking maisasakatuparan ang lahat ng kanyang ninanais sa mga Cagayano lalo’t sa kanyang administrasyon ay magkasundo ang executive at legislative na pamumunuan ni Bise Gobernador Manuel Mamba.
“Nakitak ti rigat dagiti adda iti baba isu nga um-umayak ditoy makipatang nga agtitimpuyug tayun. Didtoy nakun Cagayan, ipustak ti biyag ko para kanya yu. Awan ti sabali nga interes ko nu haan nga pagkaykaysaen kayu. Kaya tayu nga parang-ayen ti biyag ti Cagayano nu agtitimpuyog tayu,” mensahe ni Gob. Aglipay.
Nangako rin ang gobernador, na mararamdaman ng bawa’t Cagayano ang pagbabago sa Cagayan sa ilalim ng kanyang administrasyon. Sinisiguro niyang matututukan ang lahat ng sektor lalo ang suportang kailangan ng mga magsasaka at pagpapalakas sa mga kabataan.
“Pagserbiyan kayu amin. Immayak ditoy [Cagayan] ta pagserbiyak ti mannalon ken mangngalap, dagiti marigrigat,” ani Gob Aglipay.
Aasahan din sa kanyang administrasyon ang maraming trabaho para sa Cagayano dahil sa itatayong maraming negosyo sa probinsiya.
“Ito ang masasabi ko sainyo, lahat ng ipapatayo kong negosyo sa Cagayan ang 5% ng net income ko after ng report sa BIR ibibigay ko sa mga Cagayano,” pangako ng gobernador.
Nakatakda rin ang pagbisita ng gobernador sa iba pang bayan para hikayatin din ang iba pang mga lider sa kanyang hinahangad na pagkakaisa. (Reden De los Santos)


