CALAPAN CITY — Nilagdaan na ang Power Supply Agreement para sa 57 Megawatts guaranteed dependable capacity power supply sa pagitan ng Oriental Mindoro Electric Cooperative Inc. (ORMECO), power supplier companies at ng Pamahalaang Panlalawigan na ginanap sa Solidarity Hall ng ORMECO Inc., Barangay Sta. Isabel, Lungsod ng Calapan, noong Abril 14.
“We are no longer celebrating a problem, we are celebrating a solution.” Ito ang binigyang diin ni Governor Bonz Dolor sa kanyang mensahe sa naturang okasyon.
Aniya pa, hindi siya tumitigil sa paggawa ng paraan upang ang matagal nang kinakaharap na problema ng lalawigan at maging ng iba’t ibang nakaraang pamunuan sa isyu ng kuryente ay matuldukan na.
Pinasalamatan naman ni ORMECO General Manager Humphrey A. Dolor ang mga walang sawang sumuporta upang maging isang ganap itong katuparan ng pinapangarap na solusyon sa usapin ng kuryente sa lalawigan na halos dalawang dekada nang kinakaharap ng mga nakaraang iba’t ibang pamunuan.
Kapag napasimulan na ang operasyon ng mga karagdagang planta ng kuryente ngayong taon na itatayo ng nanalong power companies sa iba’t ibang natukoy na bayan, inaasahang bababa na ang taripa ng kuryente sa lalawigan sa pamamagitan ng naging commitment ng mag-ooperasyong power companies na pagpapababa ng generation charge sa maximum na 7.39 KWh. Ang labis dito ay tatawaging subsidized generation charge na kung saan ang magbabayad ay ang pamahalaan.
Samantala, nakiisa at nagpahayag ng suporta sa naturang gawain sina Bokal Aleli Casubuan, dating Provincial Administrator Dr. Hubbert Christopher A. Dolor, at ilang mga member-consumer ng naturang kooperatiba.

