MINDANAO, Philippines — Sa nalalabing 27 araw bago ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections 2025, binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang matatag na paninindigan ng pamahalaan na tiyakin ang mapayapa, maayos, at kapanipaniwalang halalan sa darating na Oktubre 13, 2025, sa kabila ng mga kasalukuyang isyung legal.
Bilang tugon, pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang mga hakbang para mapanatili ang katahimikan at protektahan ang karapatan ng bawat botante. “Malinaw ang aming tungkulin—siguraduhin na ang mga mamamayan ng BARMM ay makakaboto nang malaya at walang takot,” ani PNP Chief Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr. “Mananatiling mahigpit ang aming pagiging neutral at propesyonal anuman ang tensyon sa pulitika, at ipatutupad namin ang batas nang walang kinikilingan.”
Mula Agosto 14 hanggang Setyembre 16, nakapagtala ang PNP ng 14,828 Comelec checkpoint, na nagresulta sa 22 na naaresto at 32 na nakumpiskang baril kaugnay ng umiiral na gun ban. Tuloy-tuloy din ang mga operasyon laban sa mga pribadong armadong grupo at masusing pagbabantay sa paggalaw ng mga loose firearm.
Nakahanda at operational na rin ang ating Regional Joint Security Control Center upang magbigay-daan sa agarang koordinasyon ng PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP), at Commission on Elections (Comelec) para sa mabilis na pagtugon sa anumang insidente.
“Aktibo naming kinakausap ang mga lokal na pamahalaan, mga lider-komunidad, at iba pang pangunahing sektor upang maiwasan ang anumang posibleng tensyon,” pahayag ni PNP Spokesperson at Public Information Office Chief, Police Brigadier General Randulf T. Tuaño. “Prayoridad namin ang kaligtasan ng mga botante at ang kredibilidad ng halalan, at hindi kami papayag na may sumira sa prosesong ito.”
Tiniyak ng PNP na patuloy ang mahigpit na pagpapatrolya, pagpapatupad ng gun ban, at pagsasagawa ng inter-agency drills habang papalapit ang araw ng halalan.