Street Journal Multimedia Services

Planong flood control project, inilatag kay Gov.Mamba

TUGUEGARAO CITY, Cagayan – Inilatag ng grupo ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ang planong flood control project sa Cagayan River Basin kay Gov. Manuel Mamba at mga department head ng Kapitolyo ng Cagayan sa tanggapan ng Gobernador sa Capitol Main building, Tuguegarao City, noong Hunyo 18, 2024.

Ang presentasyon ay pinangunahan ng deputy team leader Daisuke Fujita, kasama sina Nguyen Xuan Tinh,hydrologist at Reynel Mojica, project researcher  at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ang proyektong iprinisinta ay tinawag na “Project for Enhancement of Flood Control Strategy in Prioritized River Basins (Cagayan River Basin)” kung saan nakapaloob dito ang gagawing hakbang sa pagpapatupad ng poyekto katulad ng timeline, sino ang mga makakatuwang na mga ahensiya ng pamahalaan, project components at mga aspeto na kailangang ikonsidera katulad ng usapin sa Magat dam, water management at flood characteristics.

Ayon kay Fujita, ang unang gagawin ng grupo ay magsagawa ng feasibility study (FS) hanggang sa buwan ng Oktubre sa 2025. Sa ngayon, nasa basic survey pa lamang ang grupo sa gagawing proyekto.

Sinabi naman ni Gov. Mamba na dapat ay mayroong mabuong “super body” na kinabibilangan ng mga concerned agency, hindi lamang ang JICA o DPWH sa halip ay maging ang mga iba pang ahensiya katulad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Mines and Geosciences Bureau (MGB), mga lokal na Pamahalaan ng Kalinga at Apayao, pamunuan ng Magat Dam, at iba pa.

Aniya, hindi isang “band-aid solution” lamang ang gagawin sa halip ay dapat mayroong long term solution.

Ipinunto rin ng Gobernador na dapat ay magkaroon din ng permanenteng tauhan ang grupo sa Cagayan, upang malaman kung sino ang dapat na kausapin kapag nagkaroon ng problema. Handa ring magbigay ang Gobernador ng espasyo para magsilbing opisina ng grupo.

“You should also assign a permanent person here so that we know the people we can talk to. I’ve been telling before that there should be a “super body” to take of this. And there should be a holistic approach. This is not just a band-aid solution, we must have a medium and long-term solution,” pahayag ni Gov.Mamba.

Samantala, nakasama rin sa pagpupulong ang mga department head at kawani ng Provincial Planning and Development Office, Provincial Natural Resources and Environment Office, Disaster Risk Reduction and Management Office, Engineering Office, at Provincial Information Office.(By Badz Heralde)

Scroll to Top