SAN FERNANDO CITY,La Union – Pumalo na sa P6,249,642,448 bilyon ang naging pinsala sa imprastraktura,agrikultura at livestocks, matapos ang hagupit ni Emong sa lalawigan ng La Union ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Sa ipinalabas na Situational Report, noong Agosto 5, biglang lomobo sa P6,010,231,100 bilyon ang naging pinsala sa mga imprastraktura sa iba’t ibang lugar sa lalawigan, samantalang umabot na sa P232,317,578.03 milyon ang pinsala sa agrikultura at tinatayang nasa P7,093,770 milyon naman sa livestock at poultry industry.
Naitala din na may kabuuang 39,523 ang napinsalang kabahayan, na kung saan ay 35,783 ang partially damaged at 3,571 ang totally damaged.
Sa walang sawang dedikasyon ng mga line men ng La Union Electric Cooperative (LUECO) na patuloy na nagtatrabaho sa ulan o init ng araw ay nasa 81.08 percent na ng kuryente ang naibalik sa probinsya.
Ang masusing inspeksyon ay isinagawa upang masuri ang pinsala at gumamit ng kinakailangang muling pagtatayo ng mga poste ng kuryente sa tulong ng mga partners mula sa Tarlac Electric,Inc (TEI); Angeles Electric Corporation (AEC) at Dagupan Electric Corporation (DECORP), kasama ang volunteers mula sa NGCP, DPWH, PDRRMO. Bauang MDRRMO; JRAgtarap. MFontanilla,MCruz, IIEE La Union Chapter at Converge.
Sa huling talaa, dalawa lamang naiulat na namatay at tatlo ang nasugatan, mula ng pagragasa ni Emong sa lalawigan.
Noong kasagsagan ng bagyong Emong, naiulat dakong alas 3:00 ng hapon ng Hulyo 25, ang pagkawala ng isang 25 anyos na residente ng San Cornello,Caba, La Union, sa ilog.
Agad isinagawa ang search and rescue operation sa mga sumunod na araw at dakong alas 9:00 ng umaga ng Hulyo 27 natagpuan ang labi ng biktima sa tabi ng ilog na pinaniniwalaan nalunod at anurin ng malakas na tubig ng ilog.
Sa bayan ng San Juan, isang 12 anyos ang namatay matapos mabagsakan ng natumbang mango tree ang kanilang bahay sa Barangay San Felipe. Tatlo katao nasa loob din bahay ang nagtamo ng minor injuries.
Tiniyak naman ni Gov.Ortega ang patuloy na paghahatid ng suporta at tulong sa mga apektadong residente at maibalik sa normal na sitwasyon ang lalawigan.
Nanawagan din Ortega sa mga local government units at mga NGO’s na ipagpatuloy ang pagtulong, lalong-lalo na sa mga apektado ng bagyo. By Zaldy Comanda


