Street Journal Multimedia Services

PDRF project reached in Catanduanes

Bilang bahagi ng pagpapalakas ng pagtugon sa mga kalamidad, inilunsad ng Philippine Disaster Resilience Foundation (PDRF) ang Project Resilient Emergency Communications for Enhanced Disaster Response (Project REACHED) sa Catanduanes.

Ang proyekto ay isang kolaborasyon ng PDRF at ng Australian Government, na layong mapabuti ang komunikasyon at mabilisang pag-responde sa oras ng sakuna.

Ipinahayag ni Mr. Joshua V. Frilles, Procurement and Finance Officer ng PDRF, ang mga resulta ng kanilang mga aktibidad sa isang pagpupulong kay Gov. Joseph C. Cua ngayong araw.

Binanggit nito ang matagumpay na pagsasagawa ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) Training sa mga opisyal ng barangay sa Dugui Too, Dugui Wala, at Dugui San Isidro.

Layunin ng pagsasanay na matutunan ng mga lokal na opisyal ang tamang pamamaraan ng pag-assess ng pinsala at pagkolekta ng mga pangangailangan matapos ang isang kalamidad.

Dagdag pa rito, nakatanggap ang tatlong barangay ng Dugui ng Starlink internet services upang matugunan ang kakulangan ng internet connectivity sa kanilang lugar, na magpapadali sa mga aktibidad at komunikasyon sa oras ng kalamidad.

Sa kasalukuyan, isinasagawa ang Emergency Communication Training at Radio Operator Licensing mula Pebrero 6 hanggang 7, 2025. Ang mga pagsasanay ay isinasagawa kasama ang PDRRMO Catanduanes, MDRRMO ng Virac, Baras, at Bato, pati na rin ang Office of Civil Defense R5, sa mga barangay ng Dugui.

Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap na maghanda at magbigay ng agarang tugon sa mga kalamidad sa lalawigan ng Catanduanes.

 

 

Scroll to Top