By Rachell Galamay
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa publiko ang maigting na monitoring ng kanyang administrasyon lalo na ang iba’t ibang tanggapan ng gobyerno sa sitwasyon at epekto ng bagyong ‘Julian’ sa ilang bahagi ng bansa.
Ito ang siniguro ni Pangulong Marcos Jr. sa naging panayam sa kanya sa ginanap na Inaguration Ceremony ng StB Giga Factory sa Capas, Tarlac ngayong Lunes, Setyembre 30.
Ayon sa kanya, tinututukan ngayon ng kanyang administrasyon ang kasalukuyang sitwasyon ng mga mamamayang nasa Hilagang bahagi ng Luzon lalo na ang mga nasa Batanes na binabayo ng bagyo.
Nakapreposition na rin umano ang mga family food packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipamimigay sa mga masasalantang pamilya, gayundin ang mga health centers kung sakaling kinakailangan ng reskyu.
“Thousands of family food packs are now being prepared, healthcare centers are on high alert, and our farmers and fisherfolk are taking steps to safeguard their livelihoods,” saad ng Pangulo.
Sa datos ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang Typhoon ‘Julian’ sa Sabtang Is., Batanes.
Nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 4 sa Batanes habang signal no. 3 naman ang Babuyan Islands, signal no. 2 ang Mainland Cagayan, kasama ang Apayao, Abra, Kalinga, Ilocos Norte, hilaga at gitnang bahagi ng Ilocos Sur, samantalang signal no.1 naman ang ilang natitirang bahagi ng Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Ifugao, Mountain Province, Benguet, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, hilaga at gitnang bahagi ng Aurora , at hilaga at silangang bahagi ng Nueva Ecija.