Street Journal Multimedia Services

PBBM, nakatanggap ng suporta sa LPP, LCP, negosyante

Nagpahayag ng buong suporta ang League of Provinces of the Philippines (LPP) sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kanilang courtesy call sa Malacañang, na dinaluhan din ni Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay.

Binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng pagtutulungan ng nasyonal at lokal na pamahalaan upang mas mapabilis na maihatid ang mga serbisyo sa publiko.

Kaugnay rito, iprinisinta naman ni LPP President at South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. ang kanilang pinagtibay naresolusyon na nagsasaad ng kanilang buong suporta kay Pangulong Marcos at pangakong ipagtatanggol ang institusyon ng Pagkapangulo laban sa mga umaatake sa Konstitusyon at tamang pamamahala habang sinabi naman ng Pangulo na mas mahalaga ang pagtatrabaho kaysa pagpansin sa ingay sa pulitika.

Tiniyak pa ni Pangulong Marcos ang pagpapatuloy ng imbestigasyon sa mga problema sa flood control project at handa aniya siyang ipaaalam sa publiko ang magiging resulta.

Nagpahayag din ng suporta ang League of Cities of the Philippines noong Nobyembre 19 kung saan sinusuportahan nila ang mga programa ng pangulo, lalo na ang pagpapalakas sa LGUs pagdating sa mga proyekto sa imprastruktura, edukasyon, kalusugan, at pagsiguro ng tapat na pamamahala.

Bukod dito ay nagpaabot din ng suporta ang malalaking grupo ng negosyante noong Nobyembre 17 na naniniwalang mananatiling matatag ang ekonomiya ng bansa at patuloy silang mag-iinvest, lilikha ng trabaho, at palalawakin ang kanilang mga negosyo.

Nabatid na kabilang sa malalaking negosyong bumisita sa Malacañang ay ang Financial Executives Institute of the Philippines (FINEX), Institute of Corporate Directors (ICD), Makati Business Club (MBC), Management Association of the Philippines (MAP), Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), at ang Philippine Finance Association (PFA).(Angelo Maguddayao)

Courtesy: Presidential Communications Office

Scroll to Top