Street Journal Multimedia Services

P323-M shabu nasabat sa karagatan ng Cagayan

Tinatayang aabot sa P323,600,000 ang halaga ng mga drogang sunod-sunod na narekober sa mga karagatang sakop ng Claveria, Sta. Praxedes, at Islang bayan ng Calayan sa Lalawigan Cagayan.

Ito ay batay sa inilabas na pagtaya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2 matapos isailalim ang mga nasabat na mga kontrabando sa pagsusuri.

Sa datos na inilabas ng ahensya, umabot sa himigit-kumulang isang kilo ng pinaniniwalaang shabu ang narekober sa Sitio Narvacan, Barangay Dilam nitong Hunyo 13, 2025, na nagkakahalaga ng P5,700,000 habang nagsasagawa ng seaborne patrol ang mga awtoridad sa lugar.

Ang sumunod namang narekober ng dalawang mangingisda na dalawang sako na naglalaman ng mga pinaniniwalaang shabu kasama ang isang asul na gallon na may lamang hindi pa matukoy na uri ng likido sa Barangay Centro 6, Claveria, Cagayan nitong Hunyo 15, 2025 ay tinatayang nagkakahalaga umano ng P312,800,000.

Iniulat ng PDEA Region 2 na ang dalawang sako ay may tatak na “Daguanyin” at Chinese characters kung saan nakalagay ang 44 vacuum-sealed plastic ng mga kontrabando na umaabot sa humigit-kumulang 44 kilo ang timbang.

Sa kaparehong araw ay nakarekober pa ang ilang mangingisda sa dalampasigan ng Sitio Mingay, Barangay San Juan Sta. Praxedes ng isang garbage bag na naglalaman ng humigit kumulang 750 grams ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng P 5,100,000.

Sa ngayon, patuloy naman ang maigting na pagpapatrolya ng mga awtoridad sa mga dalampasigan at karagatang sakop ng lalawigan upang mabantayan ang pagkalat ng mga iligal na kontrabando.

Una na ring inihayag ng Cagayan PNP na patuloy din ang koordinasyon ng hanay ng kapulisan at ng iba pang law enforcement unit upang matiyak ang maayos na paglalatag ng mga polisiyang tututok sa paglaganap ng iligal na gawain sa Lalawigan ng Cagayan. Cagayan PIO

📷PDEA Region 2

 

Scroll to Top