CAMP MARCELO ADDURU, Cagayan – Isang High Value Individual drug personality ang nasakote sa matagumpay na search warrant operation na nakumpiskahan ng P10.2 milyonghalaga ng shabu sa Tuguegarao City,Cagayan,noong Setyembre 5.
Kinilala ang suspek na si alyas “Popoy”, 39 taong gulang at residente ng nabanggit na lugar, na kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 at RA 10591 o’ Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sa report ni Lt.Col. Pepito Mendoza, Chief of Police ng Tuguegarao Component City Police Station, kay BGen. Christopher Birung, regional director ng PRO-2, ang matagumpay na search warrant operation laban sa suspek, ay nakumpiskahan ito sa loob ng kanyang bahay ng 16 sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na kalahating kilo at nagkakahalag ng P3,400,000.00; isang vacuumed sealed plastic na naglalaman ng kaparehong kontrabando na may tinatayang timbang na isang kilo at nagkakahalaga ng P6,800,000.00 at isang magazine na naglalaman ng sampung live ammunitions.
Pinuri naman ni Birung ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon. “Hangad namin ang kaligtasan ng bawat Cagayanos kung kaya’t hinihingi ko ang inyong buong suporta sa pagtugis sa sinumang lumalabag sa ating batas. Kayo ang aming katuwang sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa lambak ng Cagayan”.