
TUGUEGARAO CITY — Nag-alok si Gob. Manuel Mamba ng P1 milyon reward money para sa sinumang makapagtuturo at makapagbibigay ng impormasyon para sa agarang pagkakadakip sa mga suspek na pumatay kay Rizal Mayor Atty. Joel Ruma, habang ito ay nangangampanya noong Abril23.
Ang hakbang na ito ng Gobernador ay upang mabigyan ng hustisya ang pagpatay sa isang lider sa lalawigan.
Una nang kinondena ni Gob. Mamba ang pagpatay kay Mayor Ruma at inihayag na walang puwang ang karahasan sa probinsiya.
Kasunod nito ang pakiusap ng ama ng lalawigan sa mga mamamayan ng bayan ng Rizal na makipagtulungan sa mga otoridad upang matukoy ang mga nasa likod ng karumaldumal na pagpatay.
Si Mayor Ruma ay binaril ng hindi nakilalang suspek habang ito ay nagsasagawa ng campaign rally sa barangay Illuru sa nasabing bayan gabi ng Abril 23, 2025
Kaugnay nito, personal na binisita ni PNP Chief, PGEN Rommel Marbil ang burol ng Alkalde at nakipag-ugnaya sa pamilya nito.
Iniutos din Marbil ang pagbuo ng Special Investigation Task Group (SITG), na siya tututok sa malalimang imbestigasyon, para agarang matukoy ang mitbo at makilala ang suspek para sa ikadadakip nito.
Tinungo din ni Marbil ang mismong pinangyarihan ng insidente sa Barangay Illuru Sur upang magkaroon ng malinaw na perspektibo ukol sa krimen.
Sa opisyal na ulat ng Police Regional Office 02 (PRO2), nagsagawa rin ang kapulisan ng isang conference sa Rizal Police Station na dinaluhan din mismo ni PGEN Marbil kung saan tinalakay ang mga hakbang na dapat ilatag upang mapabilis ang imbestigasyon ng mga kinauukulan.
Ipinag-utos pa nito ang pagkakaroon ng “intensified police visibility” lalo na sa mga lugar na may mataas na tensyon kaugnay sa usapin ng eleksyon.
Sa ngayon, nakatutok naman ang SITG sa pangangalap ng mga ebidensya tulad ng mga CCTV footages at mga posibleng saksi na posibleng makatulong sa imbestigasyon. (Badz Heralde)

