BAUANG, La Union – “Hindi lamang ito bagong kalsada, ito ay isang konkretong hakbang upang mapagaan ang buhay ng ating mga magsasaka at mapalakas ang sektor ng agrikultura sa La Union,” ito ang naging pahayag ni Governor Mario Ortega sa mga magsasaka ng Barangay Pugo, Bauang, La Union.
Pinagunahan mismo ni Gov.Ortega at iba pang mga opisyales ang inagurasyon para rehabilitation at improvement ng Barangay Pugo ng Farm-to-Market-Road, noong Hulyo 7.
Ayon kay Ortega, patuloy niyang isusulong ang mga proyektong magbibigay ng pangmatagalang ginhawa sa sektor ng agrikultura sa buong lalawigan, sa layuning
mapagaan ang araw-araw na hamon ng mga magsasaka sa pagdadala ng kanilang ani mula sa bukid patungo sa pamilihan.
“Sa pamamagitan ng mas maayos at mas ligtas na kalsada, mas mapapabilis ang transportasyon ng mga produktong agrikultural, mababawasan ang gastos sa pagbibiyahe, at maiiwasan ang pagkasira ng ani.”
Aniya, higit sa lahat, mas magiging madali ang pag-abot ng mga magsasaka sa mas malawak na pamilihan na magbibigay ng mas malaking oportunidad para sa kabuhayan ng bawat mamamayan ng lalawigan.
Ang proyekto at programa sa agrikultura ay hindi bagong adhikain para kay Ortega, dahil pa noong siya ay nagsisilbi bilang isang halal na lingkod-bayan, patuloy na niyang isinusulong ang pagtatayo at pagpapabuti ng mga farm-to-market roads bilang isa sa mga pinakamahalagang puhunan para sa pag-unlad ng agrikultura at pag-angat ng kabuhayan ng bawat pamilyang Elyukano.
“Sapagkat ang bawat kalsadang nag-uugnay sa bukid at pamilihan ay daan din tungo sa mas maunlad na kinabukasan para sa ating mga magsasaka at sa buong La Union.
Sa Agkaysa, bawat proyektong natatapos ay hakbang tungo sa mas maunlad na La Union,” pahayag pa ni Gov.Ortega.


