Street Journal Multimedia Services

Nagwagi sa Pandang-Gitab Festival of Lights, pinarangalan

CALAPAN CITY – “Sa ngalan ni Governor Bonz Dolor at ng buong Pamahalaang Panlalawigan ay muling malugod na tumatanggap sa bawat isang nandito sa pagdiriwang ng taunang Pandang-Gitab Festival”, ang mensahe ni OIC-Provincial Administrator Atty. Earl Ligorio Turano II.

Tinanghal na kampeon ang Parang National High School mula sa Calapan City sa Pandang Gitab Oriental Mindoro Festival of Lights 2025 Street Dancing Competition noong Abril 30.

Tumanggap ang mga kinatawan mula sa nabanggit na paaralan ng P500,000 cash prize, tropeo at P15,000 gift certificate mula sa Jolly Waves Resort.

Nakuha naman ng Mindoro State University (MinSU) Calapan City campus ang 2nd place na may tropeo, P300,000 cash prize at P10,000 gift certificate ng Jolly Waves samantalang 3rd place ang Porfirio G. Comia Memorial National High School ng Naujan na may tropeo , P150,000 cash prize at P5,000 gift certificate ng Jolly Waves.

Tumanggap din ng tig-P30,000 consolation prize ang iba pang contingent na lumahok na kinabilangan ng Apostolic Vicariate of Calapan (AVC) Kabataan ng Hapag, Bu-away Folkloric Dance Troupe ng Oriental Mindoro National High School, Nag-iba National High School ng Calapan City at Pedro V. Panaligan Memorial National High School ng Calapan City.

Samantalang ang mga special awards ay nakuha ng mga sumusunod: Best in Choreography at cash prize na P35,000 ang Parang National High School; Best in Costume and Props na may P35,000 cash prize ang Parang National High School; Best in In-place Presentation at cash prize na P50,000 ang Parang National High School habang Best in Street Dance Presentation at cash prize na P50,000 ang AVC Kabataan ng Hapag.

Tinanggap din ng Parang National High School ang P50,000 cash prize para naman sa ORMECO’s Dagitab Choice Award.

Ang Pandang Gitab Festival na pinangasiwaan ng Provincial Tourism Office sa pamumuno ni Provincial Tourism Officer Don Stepherson Calda ay hindi lamang Pista ng Ilaw at Liwanag manapa’y isa itong Thanksgiving Festival, pasasalamat para sa ilaw at liwanag. (PIO Oriental Mindoro)

 

 

Scroll to Top