Personal na iginawad ni Department of Interior and Local Government Secretary Juanito Victor Remulla, ang “PAGKILALA LA UNION” Plaque kay Governor Mario Eduardo C. Ortega, bilang pagkilala sa lalawigan ng La Union, bilang isa sa sampung lokal na pamahalaan sa bansa mula sa kanilang mahalagang kontribusyon at mga inisyatibo nito sa pangangalaga at pagtatanggol sa West Philippine Sea (WPS)
Kasama ni Ortega sa pagtanggap ng plake sina First District Board Member Chary Nisce at Second District Board Members Martin De Guzman, Teresita “Tess” Garcia, at Ruperto Rillera Jr. na ginanap okasyon ng “Bayanihan para sa Kaunlarang Dagat ng Pilipinas” Summit sa Sison Auditorium sa bayan ng Lingayen, Pangasinan,noong Hulyo 23.
Kasama naman ni Secretary Remulla sina Pangasinan Governor Ramon Guico III, National Security Council Assistant Director General for Partnerships and Engagements, DILG Undersecretary for Local Government Marlo L. Iringan, NTF-WPS Deputy Administrator James Layug, at Office of Civil Defense Assistant Secretary at Deputy Administrator for Operations Laurence Mina sa paggagawad ng parangal.
Kasabay ng pagdiriwang ng West Philippine Sea Arbitral Win 10th Anniversary, kinilala ang Lalawigan ng La Union dahil sa mga hakbang na isinulong nito para sa pangangalaga ng West Philippine Sea (WPS) kabilang ang pagtatatag ng West Philippine Sea Council at pagbuo ng mga ordinansa at resolusyong nagsusulong ng pangangalaga at pagtatanggol sa WPS.
Kinilala rin ni Assistant Secretary for International Relations Lilian De Leon ang La Union bilang kauna-unahang lalawigan sa bansa na nagtatag ng WPS Council.
Ayon kay Ortega, isang mahalagang tagumpay para sa Lalawigan ng La Union ang natanggap na pagkilala dahil sa matibay nitong pakikipagtulungan sa pambansang pamahalaan, pakikiisa sa mga coastal local government units (LGUs), at patuloy na suporta sa mga komunidad na apektado ng mga usapin sa West Philippine Sea.
Layunin ng mga inisyatibong ito na mapangalagaan ang yamang-dagat at maprotektahan ang kabuhayan at seguridad ng mga komunidad na umaasa sa WPS.
Kasama rin sa delegasyon ng probinsya ang mga kinatawan ng Provincial Government-Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO) na naghatid ng suporta sa layuning ito.
Kabilang din sa mga pinarangalang lalawigan ang Pangasinan, Ilocos Sur, Ilocos Norte, Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, Palawan, Batangas, at Batanes.


