Sa kabundukan ng Pasil, Kalinga, isang pangarap ang unti-unting naging realidad para kay Jhanda W. Legazpi. Lumaki sa pamilyang ang pangunahing ikinabubuhay ay pagsasaka, kabuhayang sapat lamang upang matustusan ang araw-araw na pangangailangan, ngunit hindi ito kailanman naging hadlang sa pangarap ng kanyang mga magulang na mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak.
Araw-araw na nagsusumikap ang kanyang mga magulang sa bukid upang matiyak na may pagkain sa hapag at may pagkakataong makapag-aral ang kanilang mga anak. Sa kabila ng limitadong kita, hindi sila nawalan ng pag-asa na balang araw ay magbubunga rin ang kanilang mga sakripisyo.
Naging malaking tulong sa kanilang pamilya ang pagkakabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng DSWD.
Ang educational cash grant na kanilang natanggap ay naging mahalagang dagdag sa gastusin ni Jhanda sa pag-aaral, lalo na noong siya ay nasa kolehiyo.
Dahil dito, nabawasan ang pinansyal na pasanin ng kanyang mga magulang at nabigyan siya ng pagkakataong ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral.
Mula pa noong siya ay bata, malinaw na ang kanyang pangarap: ang maging isang guro. Hindi lamang upang makabawi sa sakripisyong ibinigay ng kanyang mga magulang, kundi upang makatulong na rin sa mga batang nangangarap na makapag-aral at makamit ang kanilang sariling mga mithiin.
“Alam kong kung kinaya ng aking mga magulang na pag-aralin ako at tustusan ang aming pangangailangan, kaya ko ring pagsikapan ang aking mga pangarap,” ani Jhanda.
Sa determinasyon na maabot ang kanyang mithiin. Ang kanyang pagsisikap ay nagbunga nang makapagtapos siya ng kolehiyo at matagumpay na nakapasa sa Licensure Examination for Teachers (LET) noong Marso 2026.
Sa kanyang pagbabalik-tanaw, buong pasasalamat niyang kinikilala ang 4Ps. “Malaki ang naitulong ng 4Ps sa aking pag-aaral.
Ang educational cash grant na natanggap ng aming pamilya ay nakatulong upang mabawasan ang gastusin ng aking mga magulang habang ako ay nag-aaral sa kolehiyo.
Masasabi kong natupad ko na ang aking pangarap na makapagtapos at ipinagmamalaki kong isa akong benepisyaryo ng 4Ps,” pagbabahagi niya.
Ang kuwento ni Jhanda ay isa sa maraming patunay na ang 4Ps ay higit pa sa tulong pinansyal. Isa itong pamumuhunan sa kinabukasan ng mga pamilyang Pilipino, na nagbibigay ng pagkakataong maabot ang kanilang mga pangarap at makabuo ng mas maayos at mas matatag na buhay .
Tulad ng isang binhing inalagaan at inaruga hanggang sa mamunga, unti-unti ring natupad ang pangarap ni Jhanda sa tulong ng kanyang sipag, tiyaga, at ng walang sawang suporta ng kanyang pamilya.
Bilang isang lisensyadong guro, handa na siyang ibahagi ang kanyang kaalaman at magsilbing inspirasyon sa mga kabataang nangangarap na mabago ang kanilang kinabukasan sa pamamagitan ng edukasyon. (DSWD-CAR, Social Marketing Unit, Dauden B. Moises, Project Development Officer II)