BAGULIN, La Union — Sa bulubunduking bayan ng Bagulin, mas mapapabilis na ang pagsasaliksik ng mga estudyante at mga transaksyon ng mga residente gamit ang internet matapos pasinayaan ng Lokal na Gobyerno sa pangunguna ni Mayor Virgilio Flor at ng Catalyste+ Canada ang kanilang bagong IT Hub.
Ang nasabing pasilidad ay ikalawa na sa probinsya na may layuning palawakin ang access sa digital na teknolohiya at mga oportunidad para sa mga residente.
Nakiisa rin sa pagpapasinaya si Vice Mayor Jaime Lictao, mga miyembro ng Sangguniang Bayan at mga kinatawan ng Catalyste+ Canada sa pangunguna ni Country Representative Matt Navalta na malaki ang naging papel sa pagpapatayo ng proyekto.
Layunin ng LGU Bagulin katuwang ang Catalyste+ Canada na mabigyan ng mas maraming oportunidad ang mga residente sa pamamagitan ng teknolohiya at mas mapadali ang kanilang pag-access sa mga serbisyo at impormasyong makukuha online.
Inaasahang magiging mahalagang tulay ang IT Hub sa pagsusulong ng digital learning, innovation, at pakikipag-ugnayan sa komunidad.
Kabilang sa mga serbisyo ng IT Hub ang libreng paggamit ng computer at internet, tulong sa pag-aaral at pananaliksik, pag-aasikaso ng mga online na serbisyo ng gobyerno, paghahanap at pag-apply ng trabaho online, at access sa mga digital na materyales at aralin.
Nagpasalamat ang LGU Bagulin sa Catalyste+ Canada sa kanilang tulong at suporta para mailapit ang teknolohiya sa mga residente at mabigyan sila ng mas maraming oportunidad sa pag-aaral at mapakinabangan ang iba pang serbisyo.


