BAGUIO CITY – Nahaharap ngayon sa kasong kidnapping with rape ang isang 35-anyos na instructor ng isang unibersidad sa lungsod kaugnay sa umano’y pagkidnap at panggagahasa sa isang 14-anyos na Grade 10 student noong Hulyo 9.
Ayon sa Baguio City Police Office, matapos ang masusing imbestigasyon ay ipinasa na nila ang kaso sa tanggapan ng City Prosecutor’s Office noong Hulyo 14, habang ang suspek na kanilang nadakip ay nasa kustodiya ng PS 10 at ililipat sa Baguio City Jail kapag nakumpleto ang mga dokumento.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi ng dalagitang si Jessica (hindi tunay na pangalan), na naglalakad siya patungo sa paaralan sa tabi ng Baguio Wright Park Fountain, Barangay Lualhati, dakong alas-8:20 ng umaga noong Hulyo 9, nang huminto sa kanyang harapan ang isang hindi kilalang sasakyan.
Ayon sa biktima, inakala niya na kilala siya ng driver, kaya siya ay lumapit sa sasakyan, subalit bigla umano siyang hinablot ng suspek at tinakpan ng panyo ang bibig at ilong na naging sanhi ng pagkawala niya ng malay.
Nang magising siya ng alas-10 ng umaga, siya ay nag-iisa sa isang hindi pamilyar na silid sa isang lodge sa Bakakeng Central na hubo’t hubad.
“She felt pain on her private parts and her legs are shaking. She dressed and went out of the room, (walked along the highway) and called her class adviser who then contacted Police Station 3 then coordinated with PS 10,” police said.
Mabilis na nagsagawa ng follow-up investigation ang mga tauhan ng PS10 at natukoy ang pagkakakilanlan ng suspek na humantong sa pagkakaaresto nito.


