Naniniwala si Gov. Manuel Mamba na simula na ng pagtatapos ng insurgeny sa Cagayan matapos masawi ang kalihim ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley (KRCV), CPP-NPA sa engkwentro ng naganap sa barangay Baliuag, Peñablanca, Cagayan,noong Setyembre 11.
Sa Joint Press Conference ng 5th Infantry Division Philippine Army, Police Regional Office No. 02 (PRO2) at Provincial Government of Cagayan, pinuri ni Gov. Mamba ang hanay ng kasundaluhan at kapulisan sa kanilang pagpupursigi na tapusin ang karahasan at kaguluhan sa lalawigan na dulot ng mga rebeldeng grupo.
“I see the beginning of the end of insurgency. Marami pa tayong problema ngunit unti-unting mawawakas na natin ang problema sa pagtutulungan natin”, sambit ni Mamba.
Malaking dagok rin aniya ang pagkamatay ni Edgar Ariel Mancao Arbitratrio, Regional Secretary ng KRCV, upang hindi matuloy ang ginagawang “permit to campaign” at pangongolekta ng revolutionary tax sa mga politiko lalo na at papalapit ang eleksyon.
“Malaking dagok ito sa kilusan ng NPA, mawawala ang effectivity ng revolutionary tax for politicians and permit to campaign might not happen especially malapit na ang eleksyon,” dagdag pa ng Gobernador.
Kaugnay rito, patuloy rin ang panawagan ng Ama ng Lalawigan sa mga kawani ng hukbong sandatahan na panatilihin ang nagawang pagbabago sa kanilang mga organisasyon.
“I saw the transformation of the AFP and the police. And I hope and pray that this transformation will not stop until it achieves its best. The good men and women are examples to our people,” pagtatapos ni Gov. Mamba. (From CPIO)