
SORSOGON CITY – Labis ang pasasalamat ni Governor Boboy Hamor kay Pangulong Bongbong Marcos at kay DSWD Secretary Rex Gatchalian sa kanilang agarang pagtugon at pagbibigay ng atensiyon sa mga naapektuhan ng pag-alburoto ng bulkan.
Ayon sa Gobernador, direktang nakikipag-ugnayan sa kanya ang Malacañang sa pamamagitan ni Secretary Gatchalian at DSWD Regional Director Norman Laurio upang tiyakin ang mabilis na pagbigay ng tulong sa mga Sorsoganon.
“Ang tulong mula sa DSWD at sa ating Presidente ay isang malaking ginhawa para sa ating mga kababayan na apektado ng kalamidad. Patuloy ang ating koordinasyon upang matiyak na maipamahagi ang kinakailangang ayuda sa mga naapektuhan,” dagdag ni Governor Hamor.
Patuloy na nakamonitor ang mga awtoridad at mga lokal na pamahalaan sa kalagayan ng mga apektadong residente. Inaasahan din ang karagdagang tulong mula sa iba pang mga ahensya ng gobyerno sa mga susunod na araw.
Sa pagbisita sa lalawigan ng Sorsogon ni DSWD Secretary Rex Gatchalian upang personal na makita ang kalagayan ng mga residenteng naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Bulusan, ay ipinahayag niya ang kanyang paghanga sa kahandaan ng Sorsogon sa pagtugon sa mga sakuna.
Nagsimula nang mamahagi ng food packs ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang apektado ng pagsabog ng Bulkang Bulusan.
Ang mga food packs ay ipinamahagi sa mga barangay ng Bacolod, Puting Sapa, at Buraburan sa bayan ng Juban.
Kasalukuyang nasa evacuation centers naman ang mga residenteng naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Bulusan.
Sa INACT, may 25 pamilyang pansamantalang nanunuluyan—24 mula sa Brgy. Cogon at 1 mula sa Brgy. Monbon—na may kabuuang 91 indibidwal. Sa Gallanosa National High School naman ay may 34 pamilyang evacuees mula sa Brgy. Cogon, na binubuo ng 111 indibidwal.
Noong Abril 30, dakong Bandang 1:30 ng madaling araw ay personal na bumisita si Governor Hamor sa mga evacuation center sa bayan ng Irosin, kung saan pansamantalang nanunuluyan ang mga residenteng lumikas mula sa Brgy. Cogon.
Tiniyak ng gobernador na handang tumugon sa pangangailangan ng mga evacuees ang Pamahalaang Panlalawigan katuwang ang LGU Irosin.
Bumisita rin si Governor Boboy sa mga tauhan ng BFP, SPDRRMO, at PNP na nagsasagawa ng flushing operations sa bahagi ng Maharlika Highway na natabunan ng abo dulot ng pagputok ng Bulkang Bulusan.
Agad na nagsasagawa ng clearing operations ang Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon, Bureau of Fire Protection, PNP, katuwang ang mga miyembro ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (SPDRRMC) matapos ang pagputok ng Bulkang Bulusan, na particular na tinututukan ay ang paglilinis ng national highway sa Barangay Buraburan, Juban, kung saan bumagsak ang makapal na abo mula sa pag-aalboroto ng bulkan.
Nanawagan si Governor Hamor sa mga motorista na pansamantalang iwasan muna ang naturang lugar upang bigyang-daan ang mas mabilis at ligtas na pagsasagawa ng clearing operations.
Patuloy namang nakabantay ang mga awtoridad sa kalagayan ng Bulkang Bulusan at pinaalalahanan ang publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso para sa kaligtasan ng lahat.


