Isang makasaysayang araw ng pag-ikot ang isinagawa ni Governor Boboy Hamor sa bayan ng Matnog, katuwang si Mayor-elect Bobet Lee Rodrigueza, kung saan ipinaabot nito ang kanyang pangako ng full transformation para sa naturang bayan.
Sa harap ng mga residente at lokal na opisyal, iginiit ni Governor Hamor ang kanyang buong suporta sa bagong administrasyon sa Matnog sa pamumuno ni Rodrigueza.
Ayon sa gobernador, panahon na upang maisaayos ang Matnog sa ilalim ng isang pamahalaang tunay na para sa bayan.
Isa sa mga pangunahing layunin ng bagong administrasyon ay ang pag-operate ng Matnog Community College, na matagal nang inaasam ng mga kabataan sa bayan.
Buong suporta rin ang ipinangako ni Governor Hamor sa plano ni Mayor-elect Rodrigueza na isaayos at buhayin muli ang pampublikong palengke, na sentro ng kabuhayan para sa maraming Matnoganon.
“Kapag maayos ang edukasyon at ang palengke, tiyak na mas mapapalakas natin ang kabuhayan at kinabukasan ng Matnog,” ani Governor Boboy.
Bukod sa mga pangunahing proyekto, magandang balita rin ang ibinahagi ng gobernador: may nakahandang pondo na para sa pagtatayo ng proyektong pabahay sa kahabaan ng boulevard na sumasakop sa mga barangay ng Tabunan at Caloocan.
Ang proyektong ito ay inaasahang magbibigay ng disenteng tirahan sa mga Matnoganon na higit na nangangailangan.
Sa pagtatapos ng kanyang pagbisita, muling iginiit ni Governor Boboy ang kahalagahan ng pagkakaisa at kooperasyon ng bawat Matnoganon upang maisakatuparan ang inaasam na pagbabago.
“Matagal na po nating pinapangarap ang maayos na pamahalaan para sa Matnog. Ngayon, nasa ating mga kamay na ang katuparan nito. Ang kapitolyo ay narito upang umagapay, pero ang tunay na pagbabago ay magsisimula sa ating pagkakaisa,” dagdag pa ng gobernador. (Sorsogon PIO)


