ISABELA — Itinalaga bilang pansamantalang Medical Center Chief ng Southern Isabela Medical Center (SIMC) si Department of Health (DOH) Undersecretary Dr. Glenn Mathew Baggao kung saan siya ay nagsilbi din bilang dating hepe ng naturang ospital.
Ang pagkakatalaga ni Usec. Baggao bilang pansamantalang hepe ng SIMC ay batay sa Department Personnel Order na inilabas ni DOH Secretary Teodoro Herbosa habang wala pang naitatalagang permanenteng hepe ang SIMC.
Bilang bagong hepe, agad itong nakipagpulong sa departmend heads ng SIMC upang pag-usapan at talakayin ang mga planong ilalatag para sa nasabing ospital.
Nabatid kay Usec. Baggao na ilan sa pagtutuunan niya ng pansin sa kanyang paninilbihan bilang pansamantalang hepe ay ang pagpapalakas ng serbisyong medikal sa SIMC, pagkakaroon ng heart at lungs specialty centers na magagamit ng mga mamamayan sa Rehiyon Dos at iba pang lugar na malapit sa probinsiya.
Maliban dito, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pagdadagdag ng consultant at specialist para sa gamutang kinakailangan ng mamamayan at mas maayos na pagpapatupad ng Universal Health Care Law upang mas maramdaman ng mga pasyente sa rehiyon ang dekalidad na serbisyo. (Rachel Galamay)


