Binusisi ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Lunes ang pondo ng Department of Health (DOH) para sa health promotion, at kinuwestiyon kung tama ang paggamit nito habang may delay naman sa aktuwal na serbisyo para sa publiko.
Sa organizational meeting ng Senate Committee on Finance at briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) tungkol sa panukalang 2026 National Expenditure Program nitong September 1, sinabi ni Cayetano na hindi tugma ang ginagastos ng DOH sa commercials ni Secretary Teodoro Herbosa kumpara sa sitwasyon ng karaniwang Pilipino.
“Si Secretary Ted, may commercials sa YouTube, et cetera. When I looked at the budget, mayroon pala to promote health. Pero ‘pag tinignan mo ang isang commercial niya, he’s not promoting health,” wika niya.
Giit niya, imbes na pagtuunan ng pansin ang agarang problema sa kalusugan ng publiko, napupunta pa sa mga isyu na wala sa mandato ng DOH ang ilang ads.
“Akala ko nga na-appoint siya sa MMDA kasi sinasabi niya na huwag uminom at huwag mag-drive and then huwag mag-text at huwag mag-drive. Ang alam ko, secretary of health siya,” wika niya.
Babala ng senador, nagkakaroon ng disconnect kapag puro commercial pero sablay ang serbisyo.
“Kung may commercial tapos maganda y’ung produkto, okay. Pero kung may commercial pero on the ground ay maraming problema, parang may disconnect. Lagay na lang natin sa bakuna y’ung budget,” wika niya.
Hinimok din ni Cayetano ang Department of Budget and Management (DBM) na i-line item ang health promotion budget para mas matutukan ang direktang programa at mga kagyat na pangangailangan.
“If you’re going to give him a budget on health promotion, pwede ba i-line item ito? Halimbawa, P100 million on lung cancer or P100 million on nutrition,” wika niya.

