Street Journal Multimedia Services

Cayetano gustong ibasura ang travel tax

Gustong ibasura ni Senador Alan Peter Cayetano ang travel tax para gawing mas abot-kaya ang pagbiyahe ng mga Pilipino sa ibang bansa, pagaanin ang kanilang gastos, palakasin ang turismo, at patatagin ang ugnayan ng Pilipinas sa mga bansa sa ASEAN (Association of Southeast Asian Nations).

“All Filipinos, especially senior citizens and persons with disabilities, must be able to travel freely, without any form of hindrance. This is a right guaranteed by the Constitution,” pahayag ni Cayetano sa explanatory note ng Senate Bill No. 424 nitong July 10, 2025.

Unang ipinataw ang travel tax sa bisa ng Presidential Decree No. 1183, na nilagdaan halos 50 taon na ang nakakaraan. Giit ni Cayetano, masyado na itong luma at hindi na akma sa kasalukuyang realidad ng ekonomiya at rehiyon.

Sa ilalim ng panukala, hindi na rin sisilingin ng travel tax ang mga kapitbahay nating kasapi sa ASEAN, bilang suporta sa mas matibay na pagtutulungan ng mga naturang bansa. Ayon kay Cayetano, ito ay bilang pagtupad sa nilagdaang ASEAN Tourism Agreement noong 2002, na layong unti-unting alisin ang mga travel tax sa pagitan ng mga kasaping bansa.

Binanggit ng senador ang pag-aaral ng isang lokal na airline, kung saan tinatayang maaaring mawalan ang gobyerno ng halos P4 bilyon na kita mula sa travel tax. Gayunman, ang kapalit naman aniya nito ay P299 bilyon na posibleng kitain ng buong ekonomiya ng bansa dahil sa pagdami ng turista at spending.

“By abolishing the travel tax, we inch closer towards realizing the freedom of movement that our fundamental law envisions for every citizen,” pahayag ni Cayetano.

Giit pa niya, nagawa na rin ito noon sa pamamagitan ng Memorandum Order No. 29 (2023). Epektibo hanggang June 30, 2028, ginawa nitong libre ang travel tax ng mga biyaherong mula sa international airports ng Mindanao at Palawan patungong Brunei Darussalam-Indonesia-Malaysia-Philippines-East ASEAN Growth Area (BIMP-EAGA).

Dagdag ng senador, layunin ng panukala na bawasan ang travel expenses ng karaniwang Pilipino, isang adhikaing isinulong na rin aniya ni dating Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III noong 19th Congress.

“It is high time to give travelers a break and allow for tourism to flourish by removing one of the barriers to travel,” pahayag ni Cayetano.

Scroll to Top