Street Journal Multimedia Services

Cayetano, DSWD nagsanib-pwersa para maghatid ng tulong sa mga biktima ng sunog sa Tondo

TONDO, Manila — Higit sa isandaang mga residente sa Tondo, Manila na nasalanta ng sunog kamakailan ang nakatanggap ng tulong mula sa magkapatid na Senador Alan Peter at Pia Cayetano at sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), noong Hulyo 3.

Nakipagtulungan sa DSWD ang Emergency Response Department (ERD) team ng dalawang Cayetano para maghatid ng tulong sa 127 biktima ng sunog sa Barangay 186 sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng ahensya.

Mahigit 15 pamilya ang nawalan ng tahanan matapos ang sunog na naganap noong March 19.

Dumalo sina dating SK Chairperson Louise Loleng, Barangay Kagawad Dennise Esteban, at Barangay Treasurer Mark Sylvestre sa aktibidad na ginanap sa covered court ng Barangay 185.

Kabilang sa mga nakatanggap ay si Ricky Nelson Pregonero. Aniya, sariwa pa ang pinansyal at emosyonal na pinsalang natamo ng kanyang pamilya at mga kapitbahay dahil sa sunog.

“Ang hirap po ng dinanas namin. Talagang back to zero po kaming mga biktima,” aniya.

“Salamat nga po at walang nasawi sa pamilya namin sa laki ng sunog na ‘yon – halos 24 hours po. Ngayon nga po medyo may phobia pa po ako sa sunog na ‘yan eh,” dagdag niya.

Pinasalamatan niya ang mga Cayetano at ang mga lokal na opisyal ng kanilang lungsod sa “tuloy-tuloy” na suporta na kanilang natatanggap mula nang mangyari ang sakuna.

“Maraming salamat po sa matatanggap namin, malaking tulong po iyan sa aming mga biktima ng sunog,” aniya

Ang aktibidad ay bahagi ng inisyatibang ‘Bayanihan Caravan’ ng magkapatid na senador, na naglalakbay sa buong bansa upang maghandog ng tulong sa mga Pilipinong nangangailangan at tulungang palakasin ang pinakamahinang sektor ng bansa.

Scroll to Top