Street Journal Multimedia Services

Baguio naitala ang 3,011 kaso ng dengue, pitong katao namatay

By Zaldy Comanda

BAGUIO CITY – Pitong katao ang iniulat na namatay sa dengue mula noong Pebrero hanggang Hulyo, habang patuloy ang pagtaas nito sa 3,011 kaso noong Agosto 1.

Sa talaan ng City Health Services Office (CHSO), ang unang namatay sa dengue ay noong Pebrero habang ang iba ay nangyari lamang noong Hulyo habang patuloy ang pagtaas ng kaso nito.

Ayon sa CHSO, apat sa mga nasawi ay mga bata – isang 6 na taong gulang na babae mula sa Asin Road; isang siyam na taong gulang na lalaki mula sa Barangay Irisan; isang isang taong gulang na lalaki mula sa Barangay Country Club at isang apat na taong gulang na babae mula sa Nueva Vizcaya noong Hulyo 8.

 

Ang iba ay isang 63 taong gulang na lalaki mula sa Barangay Loakan Proper; isang 59-anyos na lalaki mula sa Cabinet Hill-Teachers Camp at isang 38-anyos na babae mula sa Barangay Dominican-Mirador Hill.

Ayon sa City Epidemiology Surveillance Unit (CESU) ng CHSO, may kabuuang 3,011 kaso ang naiulat sa lungsod mula Enero 1 hanggang Agosto 2, 2024 o may 462 porsiyentong pagtaas mula sa bilang noong nakaraang taon.

Ang median na edad ng mga pasyente ay 23 taong gulang at ang pinaka-apektadong pangkat ng edad ay ang 11 hanggang 20 taong gulang at Limampu’t isang porsyento ng mga pasyente ay babae.

Ang pinaka-apektadong barangay ay ang Irisan, Bakakeng Central, Asin Road, Sto. Tomas Proper, Camp 7, Gibraltar, Pinget, Loakan Proper, Pacdal, Middle Quirino Hill at Bakakeng Norte.

Muling nanawagan ang CHSO sa mga residente ang mahigpit na  pagpapatupad ng mga hakbang laban sa dengue upang maiwasan ang paglaganap ng mga kaso na karaniwang nangyayari mula sa buwan ng Hunyo hanggang Oktubre.

Iniutos din ni Mayor Benjamin Magalong na paigtingin ang pagpapatupad ng anti-dengue ordinance (Ordinance 66-2016)  at pagpataw ng parusa sa mga hindi sumusunod sa dengue control measures.

 

 

 

 

Scroll to Top