BAGUIO CITY – Lumagda sina Mayor Benjamin Magalong, City Environment and Parks Management Office at Baguio Correspondents and Broadcasters Club (BCBC) ng isang Memorandum of Agreement para sa proyektong ‘Adopt a Park’ ng media organizations para pormal na ma-develop ang isang picnic grove area sa Burnham Park,Baguio City,noong Disyembre 20.
Ang nasabing picnic grove area na may 700 square meters ay matagal ng ginagamit bilang media camp, lalong-lalo na tuwing Lucky Summer Visitors projects ng BCBC in partnership with city government at mga stakeholders.
“Nagpapasalamat ang city government sa BCBC sa inyong interes na mapagtibay ang isang bahagi ng Picnic Grove sa Burnham Park, para ito ay pagandahin. Sinimulan namin ang adopt a park program two years ago, dahil kulang ang pondo ng siyudad para sa maintenance ng mga parke, kaya maraming organisasyon ang tumutulong para mapanatili ang kagandahan ng ating mga parke. Umasa din ang BCBC na tutulong kami para sa kaayusan nito,” pahayag ni Magalong.
Sinabi din ni Magalong, na noon pa ay alam na niyang ginagamit ng media group ang nasabing area para sa mga okasyon, kaya nararapat lamang umano na ipamahala ang development nito upang lalo pang gumanda at maging maayos ang serbisyo sa taunang LSV project.
Labis din nagpasalamat ang BCBC sa pangunguna ni President Thom Picana, editor ng Amianan Balita Ngayon sa maagap na pagtalima ng city government sa interes ng grupo na pagandahin ang lugar na siyang pinagdadausan ng media gathering tuwing Holy Week
Ang lugar ay tinawag na Camp Peppot Ilagan, bilang pagkilala sa yumaong editor ng local newspaper na Gold Ore at at nagsilbing Konsehal din ng siyudad ng Baguio.
Ayon kay Picana, ang kakailanganin ang halagang P500,000 para sa pag-upgrade ng lugar, kung saan ipakikilala nito ang landscaping,ilaw at karagdagang mga upuan at mesa.
“Panawagan ko sa mga susunod na opisyal ng BCBC ay gawing prayoridad ang proyektong ito, dahil nakasalalay ang ating pangako sa city government na pagandahin ang lugar na ito. Ito ay isang makasaysayang accomplishment nating lahat, dahil ito ang ating pangarap na mapasakamay natin ang lugar na ito,kaya pagyamanin natin,” pahayag ni Picana.