Street Journal Multimedia Services

Animal Bite Treatment Center dinadagsa sa Cagayan kontra-rabies

Dagsaan ngayon ang mga pasyenteng nagpapabakuna kontra-rabies sa mga Animal Bite Treatment Center (ABTC) sa Cagayan dahil sa kagat at kalmot ng aso’t pusa.

Sa datos ng Animal Bite Treatment Center-Provincial Health Office (PHO) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, umaabot sa 250 hanggang 300 pasyente ang nagpapabakuna sa mga bite center sa mga naitakdang araw ng bakunahan.

Ayon kay Shamon De Yro, Rabies Coordinator ng PHO, karamihan aniya sa mga nagpapabakuna ay namulat ang mata sa panganib ng rabies na napapanood sa mga trending video online.

Dagdag pa ni De Yro, marami rin silang naitatalang pasyenteng nakagat ng aso o pusa lima hanggang sampung taon na ang nakalilipas nguni’t ngayon palang nagpapabakuna.

Dumarami man ang nagpapabakuna, tiniyak na sapat ang libreng bakuna kontra-rabies ng Provincial Government of Cagayan (PGC) na naibababa sa bite centers ng 12 District Hospital ng Cagayan, kabilang dito ang Rural Health Unit ng Calayan Island, RHU Lal-lo, Sub-Capitol sa Bangag, Lal-lo, at sa ABTC ng PHO sa Kapitolyo ng Cagayan sa Tuguegarao City.

Kaugnay rito, kapansin-pansin sa tala ng ABTC-PHO ang pagtaas ng bilang ng mga nakakagat at nakakalmot ng pusa kung saan ay umabot sa 4,816 pasyente ang nagpakonsulta at nagpabakuna sa unang quarter ngayong 2025 kumpara noong 2023 at 2024 na nasa 3,700 pasyente.

Ito umano ay magandang senyales sapagka’t tumataas ang kamalayan ng mamamayan sa kahalagahan ng pagpapabakuna kontra-rabies at sa panganib na dulot ng rabies kung hindi ito agad maagapan.

“Sana ugaliin ng sinumang nakakagat ng hayop na agad magpakonsulta at magpabakuna at hindi ‘yong tsaka lamang magsadya sa mga bite center dahil sa mga napanood o nabalitaan. Mahalaga rin sana sa lahat na may alagang hayop ay pabakunahan kada taon, itali o ikulong, alagaang mabuti o maging isang responsible pet owner’s para walang maitalang human rabies sa ating probinsya. Higit sa lahat ay huwag tayo magpakampante kapag nakagat ng alaga o hindi kilalang hayop,” ani De Yro.

Samantala, inaasahan ngayong taon na magkakaroon na rin ng bite center ang ilan pang bayan sa Cagayan upang mas mailapit ang serbisyo kontra-rabies. (Susan L. Mapa)

 

 

 

 

Scroll to Top