RIZAL, Cahayan — Nagwagi ang 21 taong gulang na alkalde sa bayan ng Rizal, Cagayan na si Jamila Ruma laban sa dalawa nitong katunggali sa puwesto sa katatapos lamang na National and Local Elections 2025.
Ang batang alkalde ang nagtuloy sa kandidatura ng amang pinaslang na si Rizal Mayor si Atty. Joel Ruma.
Dahil dito, si Jamila ngayon ang pinakabatang alkalde sa buong bansa na humahawak ng pinakamataas na posisyon sa isang bayan.
Si Jamila ay nagtapos ng kursong Bachelor of Arts in Development Studies sa De La Salle University Manila. Isa siyang consistent dean’s lister sa kaniyang paaralan at nakakuha rin ng Best Thesis at Best Thesis Presenter nang ito ay nagtapos sa kanyang pag-aaral.
Bagama’t namulat na si Jamila sa mundo ng pulitika dahil kapwa lider sa kanilang bayan ang kanyang mga magulang na nagsilbi at nagsisilbi ngayon bilang alkalde at bise alkalde ng Rizal, isang malaking hamon sa kanya ang ipagpatuloy ang sinimulang laban ng kanyang pinaslang na ama.
Ang malagim na insidente na kumitil sa buhay ng kanyang ama noong Abril 23, 2025 sa isang campaign rally sa Illuru, Rizal ang nagtulak sa kanya para suungin ang daang bagama’t pamilyar ay isang malaking responsibilidad.
Sa kanyang mensahe sa isang Facebook post, ipinarating ni Jamila ang kanyang pasasalamat sa lahat ng sumuporta at nagtiwala sa kanilang laban.
Ang serbisyong sapat at tapat ang siyang aasahan ng kanilang mga kababayan mula sa kanilang pamamahala sa bayan ng Rizal.
“Gusto nga ipadatang kikkayu ya napapusu nga appa-balas ki ngammin ya nassuporta, nagtiwala, en nangup-uppun kiyaw nga laban tida entre ya Team RUMA. Tuloy ya serbisyong SAPAT at TAPAT nga pinamegapuwanan en nebtang ya Ama.,” saad ni Mayor Ruma.
Aniya, hawak niya ang pangako ng kanyang ama na panatilihing ligtas at masaya ang kanilang bayan.
Ngayon, sa tulong ng kanyang ina na nagwagi rin bilang Vice Mayor na si Atty. Brenda Ruma, sabay nilang ipagpapatuloy ang legasiyang inumpisahan at ang pagmamalasakit sa kanilang bayan na iniukit na ni Mayor Joel Ruma sa puso ng kanyang mga kababayan. (Kane Manaoat)