By Victor Martin
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya – Inaprubahan na sa komite ng senior citizen sa kongreso ang substitute bill para sa pagbibigay ng pension sa lahat ng mga senior citizen sa bansa.
Sa naganap na ika-apat na regular meeting ng Committee on Senior Citizen sa pangunguna ni Committee Chair Milagros Magsaysay, agad na inaprubahan ng mga kongresista ang substitute bill para sa pag-amyenda sa Republic Act 7432 (The Senior Citizens Act) nitong Martes.
Ayon kay Nueva Vizcaya Congressman Tim Cayton, saklaw ng naaprubahan na bill ang House Bill 2691 (Universal Social Pension) na kanyang inihain para sa buwanang pension ng lahat na mga senior citizen na may edad 60 pataas, anuman ang katayuan sa buhay.
“Ang House Bill na ating inihain ay para sa lahat ng Senior Citizen sa bansa, mayaman man o mahirap, may tinatanggap man sa SSS, GSIS, PVAO o anuman ang katayuan sa buhay, lahat ay kasama bata’t nasa edad 60 pataas,” pahayag ni Cayton.
Pinasalamatan din ni Cayton ang mga kapwa mambabatas na naghain ng kahalintulad na panukala para lalong mapagtibay at mapabilis ang pag-apruba sa substitute bill.
Matatandaan na ang Universal Social Pension ang kauna-unahang inihain ni Cayton na House Bill sa kanyang unang araw sa kongreso matapos maupo bilang mambabatas ng Nueva Vizcaya. Bilang dating Mayor ng Dupax del Norte ng 9 na taon ay itinatag ni Cayton ang localized social pension noong 2016 na nagbibigay ng buwanang pesnsion sa lahat ng mga senior citizen sa kanyang bayan.
Dahil dito ay itinanghal si Cayton bilang Most Outstanding Mayor of the Philippines noong 2023 sa larangan ng social services.