San Pablo City, Philippines — Naglabas ng opisyal na pahayag ang mga nagtatag ng San Pablo City Coco Festival na sina Raquel Tan, Sylvia Inciong, Willy Tan, at Rolly Inciong, bilang suporta sa desisyon ng Pamahalaang Lungsod, DepEd San Pablo, at Simbahang Katoliko na italaga ang buong linggo ng Enero 15 para sa mga gawaing espiritwal, pangsining, at pangkultura na mas akma sa kapistahan ng patron ng San Pablo, si San Pablo, Ang Unang Ermitanyo.
Fiesta muna bago ang Coco Festival
Binanggit ng founders na ang tunay na tradisyon ng San Pablo ay ang kapistahan ng patron na may higit 400 taong kasaysayan, at hindi ang Coco Festival na inilunsad lamang noong 1996 bilang dagdag na selebrasyong pangkultura at pang-agrikultura. Hindi raw kailanman intensyon ng Coco Festival na palitan ang espiritwal na diwa ng Enero 15.
Coco Festival ay suporta sa fiesta, hindi kapalit nito
Nilinaw nila na:
*Ang street dancing, beer plaza, at coco trade fair ay hindi tradisyon kundi bahagi lamang na lumago sa paglipas ng panahon.
*Ang sentro ng pagdiriwang ay dapat manatili kay San Pablo, Ang Unang Ermitanyo.
*Ang relihiyosong kabuluhan ng fiesta ang dapat laging manguna.
Paglipat ng Coco Festival sa buwan ng Mayo
Tugma sa mungkahi ng Simbahang Katoliko, sinang-ayunan ng founders na ilipat ang Coco Festival sa linggo ng Mayo 7, ang Foundation Day ng Lungsod. Dito raw mas magiging makabuluhan at malaya ang pagdiriwang nang hindi nakakasagasa sa kabanalan ng Enero 15. Plano ring gawing mas makulay at mas angkop ang festival sa pamamagitan ng:
*paglinang ng local talents at sining
*pampamilyang kasiyahan
*pagtutok sa likhang San Pableño
*pagdiriwang ng Pista ng Pitong Lawa
*Paninindigan ng founders
Buong suporta nilang sinabi:
Kung may kokontra, dapat kami iyon. Pero nakita namin ang kagandahan ng mga pagbabago.” Nagpahayag din sila ng pakikiisa sa LGU, Simbahang Katoliko, DepEd, at mga mamamayan sa pagbabalik sa tunay na diwa ng pananampalataya at kaayusan ng fiesta.
Source: CIO San Pablo


