Camp Marcelo A Adduru, Tuguegarao City— Matagumpay na naisagawa ng mga kapulisan ang implementasyon ng search warrant laban sa isang retiradong opisyal ng Land Transportation Office dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act noong gabi ng Setyembre 17, 2025 sa Brgy. Villarey, Piat, Cagayan.
Batay sa report ng Provincial Intelligence Unit ng CPPO, dakong alas sais ng gabi nang pinangunahan ng mga operatiba katuwang ang 1st Cagayan Provincial Mobile Force Company at Piat Police Station ang pagpapatupad ng Search Warrant laban kay alyas “ArAr”, 54 taong gulang, may asawa, retiradong Chief ng LTO Tuao at residente ng Brgy. Villarey, Piat, Cagayan
Narekober mula sa suspek ang isang yunit ng INTRATEC 9mm Luger na may serial number 195738; isang magasin na nakakabit sa nasabing baril na kargado ng sampung bala ng 9mm; isang magasin ng nasabing baril; at 45 pirasong bala ng 9mm.
Ang suspek kasama ang mga nakumpiskang ebidensya ay nasa kustodiya ng Piat Police Station para sa wastong dokumentasyon at disposisyon.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni PBGen. Roy Parena, regional director ng Police Regional Office 2, na patuloy ang kanilang maigting na kampanya laban sa mga loose firearms na maaaring magdulot ng banta sa seguridad ng mamamayan.
“Hindi titigil ang PRO2 sa pagtugis at pagbuwag sa mga indibidwal na lumalabag sa batas ukol sa mga baril at bala. Ang matagumpay na operasyon na ito ay patunay ng ating dedikasyon na panatilihing ligtas at mapayapa ang Cagayan Valley.” ani Parena.


