BAUANG, La Union, Philippines — Sa ikalawang pagkakataon, matagumpay na naisagawa ang Coastal Clean-Up Drive sa Isla Solomon sa pangunguna ng Jaime V. Ongpin Foundation, Inc., katuwang ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Bauang sa pamumuno ni Mr. Marc Alvin Garcia, noong Agosto 19, 2025,
Layunin ng aktibidad na ito na mapanatili ang kalinisan at mapangalagaan ang ating kapaligiran, lalo na ang mga dalampasigan at yamang-dagat.
Nakibahagi rin sa gawaing ito ang iba’t ibang ahensya at institusyon tulad ng LINK, DTI, PGENRO, BFAR, MENRO Bauang, NCIP, Philippine Coast Guard, PNP Bauang, BFP Bauang, BJMP Bauang, at mga kinatawan mula sa iba’t ibang Municipal Departments.
Ang sama-samang pagtutulungan ng mga ahensiya at lokal na pamahalaan ay patunay ng mas pinaigting na pagkilos tungo sa isang malinis, ligtas, at maayos na kapaligiran para sa lahat.
Ang ganitong inisyatibo ay lubos na sinusuportahan ng Pamahalaang Lokal ng Bauang sa pangunguna ni Mayor Ma. Clarissa “Manang Bong” T. Lee, bilang bahagi ng patuloy na adhikain ng bayan tungo sa pangangalaga sa kalikasan at sa kapakanan ng susunod na henerasyon.
Lubos ang pasasalamat ng LGU Bauang sa lahat ng katuwang, organisasyon, at ahensiyang nakiisa upang maisakatuparan ang makabuluhang gawaing ito para sa ating Inang Kalikasan.


