ENRILE,Cagayan, Philippines — Nanawagan si Enrile Mayor Miguel Decena Jr., na kasapi ng ‘Mayors for Good Governance’ ng masusing imbestigasyon kaugnay ng umano’y malawakang korapsyon sa mga flood control at iba pang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa panayam ng CPIO-TeleRadyo, tinukoy ni Mayor Decena ang ilang proyekto sa kanyang bayan na umano’y kapos sa kalidad at hindi nakapagsilbi sa mamamayan, kabilang na ang gumuhong tulay sa Barangay Alibago.
Kanyang binigyang-diin na ilan sa mga proyekto ng DPWH ay naipatupad nang walang konsultasyon sa lokal na pamahalaan dahilan upang magdulot ng pangamba sa mga residente.
Punto ng alkalde, mahalagang may kaalaman at partisipasyon ang LGU sa mga proyektong ipinatutupad ng ahensiya sa kanilang nasasakupan upang matiyak ang kalidad at pakinabang nito.
Kaugnay rito, sinabi rin ng alkalde na handa itong humarap sa Senado kung sakaling kailanganin sa mas malalim na pagtalakay ng isyu.
Kasabay nito, inihayag din ni Mayor Decena na nagkakaisa ang Mayors for Good Governance sa panawagang sugpuin ang katiwalian.
Aniya, hindi sila kalaban ng gobyerno kun’di katuwang para masiguro ang tama at makatarungang paggamit ng pondo ng bayan.
Naninindigan din siya kasama ang ibang kasapi ng ‘Mayors for Good Governance’ na kailangang suportahan si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa pagsusulong ng imbestigasyon sa mga proyektong pinagdududahan ang kalidad dahil kung hindi, buong bansa ang maaaring malugi.
“Hindi kami kalaban ng gobyerno, kakampi kami ng gobyerno para maibsan itong katiwalian na nangyayari, kung walang tutulong kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na mag-investigate about this matter the whole country at lost, kaya naninindigan ang Mayors for Good Governance about this matter,” pahayag ng alkalde. (Jovy Andres)


