Street Journal Multimedia Services

Cayetano, isinusulong ang pagpapatayo ng elderly care center sa bansa

Inihain ni Senador Alan Peter Cayetano ang isang panukalang batas na layong magtayo ng mga elderly care center sa bawat lungsod at munisipalidad sa buong bansa.

Sa ilalim ng “Center for the Elderly in All Cities and Municipalities Act” (Senate Bill No. 107), magkakaroon ang mga senior citizen ng sariling espasyo kung saan sila ay maaaring magpatingin sa doktor, mag-relax, mag-exercise, at makilahok sa iba’t ibang aktibidad para sa kanilang kapakanan at kalusugan.

“Our senior citizens deserve more, and it is the duty of the State to prioritize them and ensure that our programs and services truly respond to their needs and protect their right to live safely and comfortably,” sabi ni Cayetano.

Binigyang diin ng senador na hindi lang gobyerno ang dapat kumilos. Dapat din aniyang makiisa ang mga lokal na pamahalaan, pribadong sektor, mga non-governmental organization (NGO), at mismong mga pamilya upang matiyak ang maayos na pamumuhay ng mga matatanda.

Ayon sa datos mula sa Commission on Population and Development o CPD, maituturing nang “aging population” ang Pilipinas pagsapit ng taong 2030.

Ibig sabihin, mas dadami pa ang mga senior citizen at kasabay nito ang mas mataas na pangangailangan sa serbisyong pangkalusugan at pangangalaga.

Bagama’t may umiiral nang batas mula pa noong 1995 na nag-uutos sa pagtatayo ng senior citizen centers, sinabi ni Cayetano na hindi na ito sapat at kailangan nang palakasin pa upang mas matugunan ang kasalukuyang pangangailangan ng mga matatanda.

Sa kasalukuyan, 76 lamang ang residential care centers sa buong bansa. Hindi pa ito eksklusibo para sa mga matatanda dahil ginagamit din ito para sa mga bata at iba pang sektor na nangangailangan ng proteksyon.

Ayon sa inihain na panukala, ang Department of Social Welfare and Development o DSWD ang mangunguna sa pagtatayo ng mga elderly care center, katuwang ang mga local government unit o LGU.

Walang buwis at taripa ang mga imported na kagamitan na gagamitin para sa mga pasilidad na ito upang mapabilis at mapagaan ang kanilang pagpapatayo.

Pinapayagan din sa panukala ang mga LGU at pribadong organisasyon na magtayo ng karagdagang satellite center depende sa pangangailangan ng kanilang lugar.

Magkakaroon din ng isang Special Committee na tututok sa maayos na pagpapatupad at koordinasyon ng proyekto.

Itatakda rin sa batas na bawat center ay kailangang magsilbing wellness hub — isang lugar kung saan maaalagaan hindi lamang ang pisikal kundi pati ang emosyonal na kalusugan ng mga matatanda.

Para kilalanin ang mahusay na pamamalakad, maglalaan din ng parangal na tinatawag na “Seal of Excellence” para sa mga LGU o organisasyong magpapakita ng natatanging serbisyo.

Bilang halimbawa, binanggit ni Cayetano ang Center for the Elderly sa Taguig na binuksan noong 2019.

Ayon sa senador, modelo ito ng maayos at kumpletong serbisyo para sa mga matatandang may karamdaman o espesyal na pangangailangan. Ito aniya ang klase ng pasilidad na nais niyang maipatayo sa buong bansa.

“We are doing this because napakalaki ng contribution ng mga senior citizen sa ating lipunan. We are honoring them [through this measure] because they have done so much,” sabi ni Cayetano.

Scroll to Top