Kasabay ng pagbisita sa Lalawigan ng Sorsogon ni PNP Chief Police General Nicolas D. Torre III ay naging makasaysayan ang pagsuko ng walong rebeldeng Sorsoganon na pormal na nagbalik-loob sa pamahalaan.
Personal na nasaksihan ni Gen. Torre ang seremonya ng kanilang pagbabalik, na isinagawa sa ilalim ng inisyatiba ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor Boboy Hamor.
Pinasalamatan ni Gen. Torre ang liderato ni Governor Hamor sa pagbibigay ng tunay na pagkakataon sa mga dating rebelde na makapagsimulang muli.
Kabilang sa tulong na ibinibigay ng pamahalaang panlalawigan ay ang pagkakaloob ng trabaho at sapat na tulong-pinansyal bilang bahagi ng kanilang repormasyon at pagbabalik sa normal na pamumuhay.
Sa kanyang pahayag, muling iginiit ni Governor Boboy Hamor ang kanyang paninindigang ipagpatuloy ang pagsusulong ng kapayapaan sa lalawigan habang siya’y nanunungkulan.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na kampanya ng pamahalaang panlalawigan laban sa insurhensiya at sa pagtataguyod ng mas ligtas, payapa, at maunlad na Sorsogon sa inisyatiba ng 7K Katrangkiluhan program. (Sorsogon PIO)


