Binabantayan ng Department of Health (DOH) ang patuloy na pagtaas ng mga insidente ng road crashes o mga banggaan sa bansa. Taun-taon, tinatayang nasa 12,000 Pilipino ang nasasawi dahil sa banggaan sa kalsada o 33 katao kada araw.
Sa tala ng Philippine Statistics Authority, umakyat ng 39% ang kaso ng road crash deaths o 11,096 na kaso sa taong 2021, mula sa 7,938 noong taong 2011. Samantala, sa taong 2024, higit 37,000 injuries naman ang naitala ng DOH sa Online National Electronic Injury Surveillance System (ONEISS).
Sa kasalukuyan, kabilang ang mga insidente gaya ng banggaan sa kalsada sa sampung pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga batang Pilipino na may edad 5 hanggang 29. Kadalasan, ang mga nasasawi ay mga nakasakay sa motorsiklo, mga pedestrian, mga bata, matatanda, at mga taong may kapansanan.
Habang patuloy ang paggamit ng mga Pilipino ng iba’t ibang uri ng transportasyon—bike, motorsiklo, jeep, kotse, o paglakad ng pedestrian, pinapaigting ng DOH ang pagbigay edukasyon at impormasyon para sa responsableng pag gamit ng kalsada.
“Ang DOH ay patuloy na nagsusulong ng tamang edukasyon ng mga driver, kaya nag-bigay tayo dito sa road safety summit ng libreng seminar, check-up, mental health support, at safety simulations para sa mga tsuper at iba’t ibang mga grupo ng mga kababayan nating nagmamaneho. Ang kaligtasan sa kalsada ay nagsisimula sa tamang edukasyon at maayos na kalagayan ng driver, sasakyan at maging ng kalsada. Road safety is a shared responsibility of everybody,” pahayag ni DOH Secretary Teodoro Herbosa.
Sa kampanyang “Basta Driver, Road Safety Lover” ng DOH na siyang tema ng Road Safety Summit ngayong Sabado, sinusulong ng kagawaran ang edukasyon para sa mas ligtas, disiplinado, at responsableng pag-uugali sa kalsada—mula sa mga pedestrian at siklista hanggang sa mga drayber at traffic enforcer.
Tinuruan ng mga eksperto ang mga nakilahok kung paano maka-iwas sa road crash incidents sa pamamagitan ng kahandaan ng sasakyan, isip, at katawan ng isang nagmamaneho.
Nagbigay rin ang kagawaran ng check-up, mental health support, at safety simulations para sa mga nagmamaneho. Binigyang-diin din ng DOH ang epekto ng mental wellness sa road safety. Namahagi rin ng libreng maintenance medicines, multivitamins, healthy snacks, at tubig upang mapanatiling alerto at ligtas ang mga biyahero.
Pinaiigting ng DOH ang tamang edukasyon at kahandaan ng mamamayang gumamit ng kalsada tungo sa pag-iwas sa road crash incidents. Dito binibigyang importansya ang prevention o pag-iwas sa sakuna na malaking bahagi ng pangangalaga sa kalusugan.


