SARANGANI, Pilipinas — Muling nagbunga ang pinaigting na kampanya ng Bureau of Customs (BOC) laban sa smuggling matapos hatulan ng Regional Trial Court (RTC) Branch 47 sa Alabel, Sarangani ang isang indibidwal na sangkot sa ilegal na pagbibiyahe ng mga puslit na sigarilyong nagkakahalaga ng ₱6.76 milyon.
Sa desisyon, napatunayang nagkasala ang indibidwal sa paglabag sa Section 1401 (D) ng Republic Act No. 10863, o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA at hinatulan na makulong nang tatlong taon at isang araw hanggang apat na taon, noong Oktubre 21, 2026.
Nag-ugat ang kaso sa pinagsanib na checkpoint operation ng Philippine National Police (PNP) noong Enero 23, 2025 sa Barangay Katuabo, Kiamba, Sarangani.
Nasabat sa operasyon ang 7,350 reams ng New Berlin cigarettes at 1,250 reams ng King Perfect cigarettes, na may kabuuang tinatayang halaga na ₱6,757,880.
Noong Enero 24, 2025, itinurn-over sa Enforcement and Security Service (ESS) ng BOC Sub-Port of General Santos ang mga nasabat na sigarilyo.
Sa desisyon ng korte, iniutos ang pagkumpiska ng mga ito pabor sa pamahalaan at inatasan ang BOC Sub-Port of General Santos na pangasiwaan ang kanilang disposisyon alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon.
“May mabigat na parusa ang smuggling, at makikita natin iyan sa desisyong ito. Hindi sapat na masabat lang ang mga puslit na produkto. Kailangan ding ituloy ang mga kaso sa korte para managot ang mga sangkot. Patuloy kaming makikipagtulungan sa iba pang ahensya para maprotektahan ang kaban ng bayan, ang mga negosyong sumusunod sa batas, at ang publiko,” pahayag ni Commissioner Nepomuceno.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, patuloy na pinalalakas ng BOC ang intelligence gathering, pagpapatupad ng batas, at pagsasampa at pagsubaybay sa mga kaso upang sugpuin ang ilegal na kalakalan ng mga produktong tabako at mapangalagaan ang kita ng pamahalaan.