Street Journal Multimedia Services

Pola, kinilalang Outstanding LGU Performer sa 2026 SUBAYBAYANI Awards

POLA, ORIENTAL MINDORO, Philippines — Kinilala ang Bayan ng Pola bilang Outstanding LGU Performer sa 2026 SubayBayani Awards ng Department of the Interior and Local Government (DILG) MIMAROPA na ginanap kamakailan.

Iginagawad ang pagkilalang ito bilang pagkilala sa mahusay na pagpapatupad ng mga lokal na proyektong pang-imprastraktura, na isinasagawa alinsunod sa mga prinsipyo ng transparency, accountability, at evidence-based local governance.

Sa pahayag ng lokal na pamahalaan, ipinahayag ang kagalakan at pasasalamat sa pagkakapili sa Pola bilang isa sa mga kinilalang munisipalidad mula sa 71 bayan sa buong rehiyon ng MIMAROPA.

Binigyang-diin din ang mahalagang papel ng mga mamamayan ng Pola sa pagkamit ng naturang parangal, gayundin ang patuloy nilang pagtitiwala at suporta sa mga programa at proyekto ng lokal na pamahalaan.

Kinilala rin ang kontribusyon ng mga departamento ng Pamahalaang Bayan ng Pola, partikular si Engr. Nathaniel Marte, na nangunguna sa pagpapatupad ng mga lokal na proyektong pang-imprastraktura.

Ayon sa lokal na pamahalaan, iniaalay ang parangal sa buong sambayanang Poleño na patuloy na nakikiisa sa pagsusulong ng maayos, tapat, at responsableng pamamahala.

Ang pagkilalang ito ay nagsisilbing hamon at inspirasyon sa Pamahalaang Bayan ng Pola na higit pang pagbutihin ang pagpapatupad ng mga proyektong naglalayong mapabuti ang serbisyo at kapakanan ng mamamayan. (PIO Pola, Oriental Mindoro)

Scroll to Top