Street Journal Multimedia Services

Leading Edge Automobiles Philippines,Inc., sinuspinde at pinagmulta ng LTO

Lumabas sa imbestigasyon ng Land Transportation Office (LTO) na ang Leading Edge Automobiles Philippines, Inc. – BGC Branch (“LEAP-BGC”), isang LTO-accredited motor vehicle dealer, ay nagpahintulot sa LEAP Mandaluyong Branch, na walang sariling LTO accreditation, na magbenta ng 19 na sasakyan gamit ang accreditation ng LEAP-BGC.

Ang LEAP-BGC mismo ang nag-isyu ng sales invoices at nagproseso ng sales reports at registration ng nasabing 19 na sasakyan. Dahil dito, makikita sa records ng LTO na ang mga transaksyon ay ginawa sa ilalim ng accreditation ng LEAP-BGC.

Natuklasan din ng LTO ang mga pagkakaiba sa petsa ng bentahan ng 13 sa 19 na sasakyan. Ang mga petsang ini-report sa LTO ay hindi tumutugma sa aktwal na petsa ng bentahan na nakasaad sa kaukulang sales invoices.

Malaki ang inabot ng administrative fine na ipinataw ng LTO sa LEAP-BGC, batay sa graduated penalty schedule na nagtatakda ng P500,000.00 bawat transaksyon para sa serious offense at P100,000.00 bawat transaksyon para sa less serious offense.

Kabilang sa mga paglabag ang pagpapahintulot sa unaccredited LEAP Mandaluyong Branch na magbenta ng 19 na sasakyan gamit ang accreditation ng LEAP-BGC; ang pag-isyu ng sales invoices at pagproseso ng sales reports at registration ng nasabing 19 na sasakyan; at ang maling pag-uulat ng petsa ng bentahan ng 13 sasakyan.

“Hindi natin papayagan na gamitin ang mga accredited dealer bilang front para sa mga unauthorized transactions. Pare-pareho ang ating mga patakaran para sa lahat, at mananagot ang sinumang magtatangkang umiwas o lumusot sa mga ito,” pahayag ni Asec. Lacanilao.

Pinaalalahanan din ng LTO Chief ang lahat ng accredited dealers na sila ang may pananagutan sa pagiging tama at makatotohanan ng lahat ng sales reports, invoices, registration documents at iba pang records na kanilang isinusumite sa ahensya.

“Nakasalalay sa tama at makatotohanang records ang integridad ng ating motor vehicle registration system. Patuloy nating paiigtingin ang monitoring at enforcement upang maprotektahan ang publiko at matiyak na sumusunod ang lahat ng accredited dealers sa mga patakaran at regulasyon ng LTO,” dagdag niya.

Scroll to Top