PUERTO GALERA. Oriental Mindoro — Nagsagawa ng final inspection ang mga opisyal ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) sa Hyperbaric Chamber ng Puerto Galera, isang mahalagang pasilidad na inaasahang magbibigay ng agarang serbisyong medikal para sa mga diver at magpapalakas pa sa katayuan ng bayan bilang Diving Capital ng bansa, June 5, 2026.
Pinangunahan ang inspeksyon nina Engr. Gregory A. Oller, Assistant Chief Operating Officer for Architectural and Engineering Services Sector; Rodolfo E. Ancheta, Assistant Chief Operating Officer for Assets Management Sector; at Engr. Micha Evangelista, Project Engineer ng TIEZA.
Kasama rin sa isinagawang inspeksyon si Engr. Geraldin Bacay, Municipal Engineer ng Puerto Galera.
Ang Hyperbaric Chamber ay isang napakahalagang pasilidad para sa Puerto Galera, na kilala bilang isa sa mga pangunahing destinasyon para sa diving tourism sa Pilipinas.
Sa oras na maging ganap na operational, makatutulong ito sa mabilis na pagtugon sa mga diving-related emergencies at sa pagbibigay ng kinakailangang paggamot sa mga diver, na magdaragdag ng seguridad at kumpiyansa sa mga lokal at dayuhang turistang bumibisita sa bayan.
Matapos ang final inspection, nagtungo rin ang grupo sa Tamaraw Falls upang inspeksyunin ang lugar na inaasahang paglalagyan ng Tamaraw Viewing Spiral, isang iminungkahing tourism infrastructure project na naglalayong mapaganda ang viewing experience ng mga turista habang pinapangalagaan ang likas na kagandahan ng isa sa mga pinakatanyag na atraksyon ng Puerto Galera.
Ang mga proyektong ito ay patunay ng patuloy na pagtutulungan ng TIEZA at ng lokal na pamahalaan ng Puerto Galera sa pamumuno ni Mayor Robinhood D. Ylagan at Vice Mayor Rocky D. Ilagan sa pagpapaunlad ng turismo, pagpapahusay ng mga pasilidad, at pagbibigay ng ligtas at de-kalidad na karanasan para sa mga bumibisita sa bayan.