CEBU, Philippines — Personal na bumisita si Consul General Song, Sewon ng Korean Consulate sa Cebu upang ipagkaloob ang Letter of Appreciation kay Police Brigadier General Redrico A. Maranan, kasunod ng matagumpay na pagsisilbi ng Interpol Red Notices sa mga Korean na pinaghahanap ng interpol, noong Agosto 18, 2025.
Binigyang-diin ng Korean Consul na ang nasabing liham ng pagpapahalaga ay pagkilala sa natatanging dedikasyon at mahalagang kontribusyon ng PRO7 sa pagpapatibay ng kooperatibong ugnayan sa pagitan ng Consulate ng Republic of Korea sa Cebu at ng Police Regional Office 7.
Dakong alas-2:10 ng hapon, isinagawa ng Regional Special Operations Unit (RSOU7) sa pangunguna ni PLTCOL Wilfredo T. Taran Jr., katuwang ang Regional Intelligence Division 7 (RID7) sa ilalim ni PCOL Russel Maca, mga kinatawan mula sa Bureau of Immigration, at opisyal ng Korean Consulate at Korean Police, ang pormal na paglilingkod ng Red Notices sa RPDEU7 Custodial Facility.
Ang mga nasabing dayuhan ay nahaharap sa kaso sa Republic of Korea dahil sa paglabag sa Articles 47(2) at 26(1) ng National Sports Promotion Act. Naisagawa ang proseso sa maayos at payapang paraan, na personal ding nasaksihan ng mga kinatawan ng Korean Consulate, Bureau of Immigration, at Korean Police.
Sa mensahe n Maranan: “Ang pagkilalang ito mula sa Korean Consulate ay patunay ng walang humpay na dedikasyon ng PRO7 sa pagpapatibay ng pandaigdigang kooperasyon sa larangan ng law enforcement. Patuloy naming titiyakin na ang Central Visayas ay ligtas na lugar hindi lamang para sa ating mga mamamayan kundi maging sa dayuhang komunidad, habang pinaiigting ang pakikipagtulungan sa ating mga internasyonal na katuwang para sa katarungan.”
Sa kasalukuyan, nananatili sa kustodiya ng PRO7 ang limang Korean nationals habang hinihintay ang kaukulang legal na proseso at mga direktiba mula sa Hall of Justice sa Cebu City at Bureau of Immigration.


