By Danny Estacio
PAGBILAO, Quezon — Pinarangalan ng Aboitiz Power ang may 470 mangingisda mula sa 26 na samahan sa bayang ito ng Therma Luzon Inc. (TLI), isang subsidiary ng Aboitiz Power, sa taunang pagdiriwang ng Alon at Ani — isang programang nagbibigay-pugay sa mga mahahalagang kontribusyon ng mga lokal na mangingisda sa kabuhayan at kaunlaran ng komunidad.
Kasama ang Pagbilao LGU, Philippine Coast Guard (PCG), at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), nagsagawa rin ng mga talakayan tungkol sa pangkaligtasan at pangangalaga sa mga baybaying-dagat.
Ayon kay Roger Cañares, Pangulo ng Samahan ng Mangingisda ng Banlisan at Pantoc (SMBP), ang aktibong pakikisama ng Kumpanya sa komunidad ay nagpatibay sa ugnyan nito sa mga lokal na mangingisda.
“Maganda ang naidulot ng pakikipagsama [ng AboitizPower] sa mga mangingisda ng Pagbilao. Malaki ang natulong nito dahil po sa serbisyong kuryente nila pati na rin sa kanilang mga proyekto tulad ng livelihood at assistance sa mga mangingisda.”
Ayon kay Lou Jason Deligencia, AVP ng Aboitiz Power for Corporate Services sa South Luzon at Metro Manila, layunin ng inisyatibang ito na tugunan ang mungkahi ng mga lokal na mangingisda noong nakaraang taon.
“Bilang pagtugon sa inyong mungkahi na magkaroon ng pagkakataong higit pang matuto at makapagbahagi ng kaalaman, inanyayahan natin ngayong taon ang Provincial Fisheries Office at ang Philippine Coast Guard upang magbahagi ng mahahalagang kaalaman ukol sa kaligtasan at seguridad sa ating karagatan.”
Bahagi ang programa ng mga inisyatiba ng TLI para sa pakikipag-ugnayan sa komunidad, na naglalayong pagtibayin ang pagkakaisa at pakikipagtulungan sa mga mamamayan ng Pagbilao, isang mahalagang bahagi ng kanilang misyong makapagbigay ng maaasahan at abot-kayang enerhiya.


